2. Pagkatapos, ikakalat ito sa lupain na nakabilad sa init ng araw, sa liwanag ng buwan, at mga bituin na kanilang minahal, pinaglingkuran, sinunod, sinanggunian, at sinamba. Hindi na muling titipunin ang mga buto nila ni ililibing, kundi ikakalat sa lupa na parang dumi.
3. Ang natitirang buhay sa masamang bansang ito ay ipapangalat ko sa ibang mga bansa, at doon ay gugustuhin pa nilang mamatay kaysa sa mabuhay. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”
4. Sinabi sa akin ng Panginoon na sabihin ko ito sa mga tao: “Kapag nadapa ang tao, hindi baʼt muli siyang bumabangon? Kapag naligaw siya, hindi baʼt muli siyang bumabalik?
5. Pero kayong mga taga-Jerusalem, bakit patuloy kayong lumalayo sa akin? Bakit ayaw ninyong iwanan ang mga dios-diosan na dumadaya sa inyo at magbalik sa akin?
6. Pinakinggan kong mabuti ang mga sinabi nʼyo pero hindi tama ang mga ito. Walang sinuman sa inyo ang nagsisi sa inyong kasamaan. Wala man lang nagsabing, ‘Ano ba itong ginawa ko?’ Sa halip, ang bawat isa sa inyo ay naging mabilis sa paggawa ng kasalanan na parang kabayong papunta sa digmaan.
7. Nalalaman ng tagak, ng kalapati at ng langay-langayan kung kailan sila lilipad patungo sa ibang lugar at kung kailan sila babalik, pero kayong mga hinirang ko ay hindi alam ang aking mga tuntunin.
8. Paano ninyo nasasabing marunong kayo, dahil ba alam ninyo ang mga kautusan ng Panginoon? Ang totoo, binago iyon ng inyong mga guro.
9. Mapapahiya ang mga nagsasabing sila ay marurunong. Matatakot sila dahil bibihagin sila. Itinakwil nila ang mga salita ko – gagawin ba nila ito kung talagang marunong sila?