Jeremias 7:8-15 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. “ ‘Pero tingnan ninyo kung ano ang inyong ginagawa! Naniniwala kayo sa mga kasinungalingan na walang kabuluhan.

9. Kayo ay nagnanakaw, pumapatay, nangangalunya, sumasaksi nang may kasinungalingan, naghahandog ng mga insenso kay Baal, at sumasamba sa ibang mga dios na hindi nʼyo nakikilala.

10. Pagkatapos, lumalapit at tumatayo kayo sa harap ko rito sa templo, kung saan pinararangalan ang pangalan ko. At sinasabi nʼyo, “Ligtas tayo rito.” At pagkatapos, ginagawa na naman ninyo ang mga gawaing kasuklam-suklam.

11. Bakit, ano ang akala ninyo sa templong ito na pinili ko para parangalan ako, taguan ng mga magnanakaw? Nakikita ko ang mga ginagawa sa templo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

12. “ ‘Pumunta kayo sa Shilo, ang unang lugar na pinili ko para sambahin ako, at tingnan ninyo kung ano ang ginawa ko sa lugar na iyon dahil sa kasamaang ginawa ng mga mamamayan kong taga-Israel.

13. Habang ginagawa ninyo ang masasamang bagay na ito, paulit-ulit ko kayong binibigyan ng babala, pero hindi kayo nakinig. Tinawag ko kayo, pero hindi kayo sumagot.

14. Kaya ang ginawa ko sa Shilo ay gagawin ko rin ngayon sa templong ito, kung saan pinararangalan ang pangalan ko, ang templong pinagtitiwalaan ninyo na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.

15. Palalayasin ko kayo mula sa aking harapan katulad ng ginawa ko sa mga kamag-anak ninyo, ang mga mamamayan ng Israel.’

Jeremias 7