29. Mga taga-Jerusalem, kalbuhin nʼyo ang buhok nʼyo at itapon ito para ipakitang nagdadalamhati kayo. Umiyak kayo roon sa kabundukan, dahil itinakwil at pinabayaan na ng Panginoon ang lahi nʼyo na nagpagalit sa kanya.”
30. Sinabi ng Panginoon, “Gumawa ng masama ang mga tao ng Juda. Inilagay nila ang mga kasuklam-suklam nilang dios-diosan doon sa templo, ang lugar na pinili ko kung saan ako pararangalan, kaya nadungisan ito.
31. Nagtayo rin sila ng sambahan sa matataas na lugar sa Tofet, sa Lambak ng Ben Hinom, para roon nila sunugin ang mga anak nila bilang handog. Hindi ko ito iniutos sa kanila ni pumasok man lang sa isip ko.
32. Kaya mag-ingat kayo, dahil ako, ang Panginoon ay nagsasabing, darating ang araw na ang lugar na iyon ay hindi na tatawaging Tofet o Lambak ng Ben Hinom kundi Lambak ng Patayan. Sapagkat doon ililibing ang maraming bangkay hanggang sa wala nang lugar na mapaglibingan.
33. Ang mga bangkay ng mamamayan ko ay kakainin ng mga ibon at mababangis na hayop, at walang sinumang magtataboy sa mga ito.
34. Ipapatigil ko na ang kagalakan at kasayahan sa mga lansangan ng Jerusalem. At hindi na rin mapapakinggan sa bayan ng Juda ang masasayang tinig ng mga bagong kasal. Sapagkat magiging mapanglaw ang lupaing ito.”