Jeremias 7:21-34 Ang Salita ng Dios (ASND)

21. “Sige, kunin na lang ninyo ang inyong mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, at kainin na lang ninyo ang karne. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.

22. Nang ilabas ko sa Egipto ang mga ninuno nʼyo, hindi ko lang sila inutusan na mag-alay ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog,

23. inutusan ko rin sila ng ganito: ‘Sundin ninyo ako, at akoʼy magiging Dios nʼyo at kayoʼy magiging mga mamamayan ko. Mamuhay kayo sa paraang iniutos ko sa inyo para maging mabuti ang kalagayan ninyo.’

24. “Pero hindi nila sinunod o pinansin man lang ang mga sinabi ko sa kanila. Sa halip, sinunod nila ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. At sa halip na lumapit sa akin, lalo pa silang lumayo.

25. Mula nang umalis ang mga ninuno nʼyo sa Egipto hanggang ngayon, patuloy akong nagpapadala sa inyo ng mga lingkod kong mga propeta.

26. Pero hindi nʼyo sila pinakinggan o pinansin. Mas matigas pa ang mga ulo nʼyo at mas masama pa ang mga ginawa nʼyo kaysa sa mga ninuno ninyo.

27. “Jeremias, kung sasabihin mo sa kanila ang lahat ng ito, hindi sila makikinig sa iyo. Kapag tatawagin mo sila na lumapit sa akin, hindi sila sasagot.

28. Kaya ito ang sabihin mo sa kanila: Ito ang bansa na ang mga mamamayan ay ayaw sumunod sa Panginoon na kanilang Dios, at ayaw magpaturo. Wala sa kanila ang katotohanan at hindi na sila nagsasalita ng totoo.

29. Mga taga-Jerusalem, kalbuhin nʼyo ang buhok nʼyo at itapon ito para ipakitang nagdadalamhati kayo. Umiyak kayo roon sa kabundukan, dahil itinakwil at pinabayaan na ng Panginoon ang lahi nʼyo na nagpagalit sa kanya.”

30. Sinabi ng Panginoon, “Gumawa ng masama ang mga tao ng Juda. Inilagay nila ang mga kasuklam-suklam nilang dios-diosan doon sa templo, ang lugar na pinili ko kung saan ako pararangalan, kaya nadungisan ito.

31. Nagtayo rin sila ng sambahan sa matataas na lugar sa Tofet, sa Lambak ng Ben Hinom, para roon nila sunugin ang mga anak nila bilang handog. Hindi ko ito iniutos sa kanila ni pumasok man lang sa isip ko.

32. Kaya mag-ingat kayo, dahil ako, ang Panginoon ay nagsasabing, darating ang araw na ang lugar na iyon ay hindi na tatawaging Tofet o Lambak ng Ben Hinom kundi Lambak ng Patayan. Sapagkat doon ililibing ang maraming bangkay hanggang sa wala nang lugar na mapaglibingan.

33. Ang mga bangkay ng mamamayan ko ay kakainin ng mga ibon at mababangis na hayop, at walang sinumang magtataboy sa mga ito.

34. Ipapatigil ko na ang kagalakan at kasayahan sa mga lansangan ng Jerusalem. At hindi na rin mapapakinggan sa bayan ng Juda ang masasayang tinig ng mga bagong kasal. Sapagkat magiging mapanglaw ang lupaing ito.”

Jeremias 7