Jeremias 7:12-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. “ ‘Pumunta kayo sa Shilo, ang unang lugar na pinili ko para sambahin ako, at tingnan ninyo kung ano ang ginawa ko sa lugar na iyon dahil sa kasamaang ginawa ng mga mamamayan kong taga-Israel.

13. Habang ginagawa ninyo ang masasamang bagay na ito, paulit-ulit ko kayong binibigyan ng babala, pero hindi kayo nakinig. Tinawag ko kayo, pero hindi kayo sumagot.

14. Kaya ang ginawa ko sa Shilo ay gagawin ko rin ngayon sa templong ito, kung saan pinararangalan ang pangalan ko, ang templong pinagtitiwalaan ninyo na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.

15. Palalayasin ko kayo mula sa aking harapan katulad ng ginawa ko sa mga kamag-anak ninyo, ang mga mamamayan ng Israel.’

16. “Kaya Jeremias, huwag kang mananalangin para sa mga taong ito. Huwag kang magmamakaawa o humiling sa akin para sa kanila, dahil hindi kita pakikinggan.

17. Hindi mo ba nakikita ang ginagawa nila sa bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?

18. Ang mga kabataan ay nangangahoy, ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, ang mga babae ay nagmamasa ng harina para gawing tinapay para sa Reyna ng Langit. Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang mga dios para galitin ako.

19. Pero ako nga ba ang sinasaktan nila? Hindi! Ang sarili nila ang sinasaktan at inilalagay nila sa kahihiyan.

20. Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi, ‘Ipapadama ko sa lugar na ito ang matinding galit ko – sa mga tao, mga hayop, mga puno, at mga halaman. Ang galit koʼy parang apoy na hindi mapapatay ng kahit sino.’

21. “Sige, kunin na lang ninyo ang inyong mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, at kainin na lang ninyo ang karne. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.

22. Nang ilabas ko sa Egipto ang mga ninuno nʼyo, hindi ko lang sila inutusan na mag-alay ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog,

23. inutusan ko rin sila ng ganito: ‘Sundin ninyo ako, at akoʼy magiging Dios nʼyo at kayoʼy magiging mga mamamayan ko. Mamuhay kayo sa paraang iniutos ko sa inyo para maging mabuti ang kalagayan ninyo.’

Jeremias 7