Jeremias 7:1-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi ng Panginoon kay Jeremias,

2. “Tumayo ka sa pintuan ng templo ko at sabihin mo ito sa mga mamamayan ko: ‘Makinig kayo, kayong mga taga-Juda na pumapasok dito para sumamba sa Panginoon.

3. Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel: Baguhin na ninyo ang inyong pag-uugali at pamumuhay, para patuloy ko kayong patirahin sa lupaing ito.

4. Huwag kayong palilinlang sa mga taong paulit-ulit na sinasabing walang panganib na mangyayari sa inyo dahil nasa atin ang templo ng Panginoon.

5. “ ‘Baguhin na ninyo ng lubusan ang inyong pag-uugali at pamumuhay. Tratuhin ninyo ng tama ang inyong kapwa,

6. at huwag na ninyong apihin ang mga dayuhan, ulila, at mga biyuda. Huwag ninyong papatayin ang mga walang kasalanan, at huwag kayong sumamba sa ibang mga dios na siyang magpapahamak sa inyo.

7. Kapag ginawa nʼyo ito, patuloy ko kayong patitirahin sa lupaing ito na ibinigay ko sa mga magulang nʼyo magpakailanman.

8. “ ‘Pero tingnan ninyo kung ano ang inyong ginagawa! Naniniwala kayo sa mga kasinungalingan na walang kabuluhan.

9. Kayo ay nagnanakaw, pumapatay, nangangalunya, sumasaksi nang may kasinungalingan, naghahandog ng mga insenso kay Baal, at sumasamba sa ibang mga dios na hindi nʼyo nakikilala.

10. Pagkatapos, lumalapit at tumatayo kayo sa harap ko rito sa templo, kung saan pinararangalan ang pangalan ko. At sinasabi nʼyo, “Ligtas tayo rito.” At pagkatapos, ginagawa na naman ninyo ang mga gawaing kasuklam-suklam.

11. Bakit, ano ang akala ninyo sa templong ito na pinili ko para parangalan ako, taguan ng mga magnanakaw? Nakikita ko ang mga ginagawa sa templo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

12. “ ‘Pumunta kayo sa Shilo, ang unang lugar na pinili ko para sambahin ako, at tingnan ninyo kung ano ang ginawa ko sa lugar na iyon dahil sa kasamaang ginawa ng mga mamamayan kong taga-Israel.

13. Habang ginagawa ninyo ang masasamang bagay na ito, paulit-ulit ko kayong binibigyan ng babala, pero hindi kayo nakinig. Tinawag ko kayo, pero hindi kayo sumagot.

14. Kaya ang ginawa ko sa Shilo ay gagawin ko rin ngayon sa templong ito, kung saan pinararangalan ang pangalan ko, ang templong pinagtitiwalaan ninyo na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.

15. Palalayasin ko kayo mula sa aking harapan katulad ng ginawa ko sa mga kamag-anak ninyo, ang mga mamamayan ng Israel.’

16. “Kaya Jeremias, huwag kang mananalangin para sa mga taong ito. Huwag kang magmamakaawa o humiling sa akin para sa kanila, dahil hindi kita pakikinggan.

17. Hindi mo ba nakikita ang ginagawa nila sa bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?

18. Ang mga kabataan ay nangangahoy, ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, ang mga babae ay nagmamasa ng harina para gawing tinapay para sa Reyna ng Langit. Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang mga dios para galitin ako.

Jeremias 7