Jeremias 6:8-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Mga taga-Jerusalem, babala ito sa inyo at kung ayaw pa ninyong makinig, lalayo ako sa inyo, at magiging mapanglaw ang lupain nʼyo at wala nang maninirahan dito.”

9. Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Ang mga matitirang buhay sa Israel ay ipapaubos ko sa mga kaaway, katulad ng huling pamimitas ng mga natitirang ubas. Tinitingnan nilang mabuti ang mga sanga at kukunin ang mga natitirang bunga.”

10. Nagtanong ako, “Pero Panginoon sino po ang bibigyan ko ng babala? Sino po kaya ang makikinig sa akin? Tinakpan po nila ang kanilang mga tainga para hindi sila makarinig. Kinasusuklaman po nila ang salita ng Panginoon, kaya ayaw nilang makinig.

11. Matindi rin ang galit na nararamdaman ko tulad ng sa Panginoon at hindi ko mapigilan.” Sinabi ng Panginoon, “Ipapadama ko ang galit ko pati sa mga batang naglalaro sa lansangan, mga kabataang lalaki na nagkakatipon, mga mag-asawa at pati na sa matatanda.

12. Ibibigay sa iba ang mga bahay nila, pati ang mga bukid at mga asawa nila. Mangyayari ito kapag pinarusahan ko na ang mga nakatira sa lupaing ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

13. “Mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, pare-pareho silang sakim sa pera. Kahit ang mga propeta at mga pari ay mga mandaraya rin.

14. Binabalewala nila ang sugat ng aking mga mamamayan kahit malala na ito. Sinasabi rin nila na payapa ang lahat, kahit hindi naman.

15. Nahihiya ba sila sa ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Wala na kasi silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila sa araw na parusahan ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

16. Ito pa ang sinabi ng Panginoon, “Tumayo kayo sa mga kanto at magmasid kayo nang mabuti. Magtanong kayo kung alin ang dati at mabuting daan, at doon kayo dumaan. At makakamtan ninyo ang kapayapaan. Pero sinabi ninyo, ‘Hindi kami dadaan doon.’

17. Naglagay ako ng mga tagapagbantay at sinabi nila sa inyo, ‘Pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta bilang babala.’ Pero sinabi ninyo, ‘Hindi namin iyon pakikinggan.’

18. “Kaya kayong mga bansa, makinig kayo. Masdan ninyong mabuti kung ano ang mangyayari sa kanila.

19. Buong mundo, makinig kayo! Magpapadala ako ng kapahamakan sa mga taong ito para parusahan sila sa kanilang masamang mga binabalak. Sapagkat ayaw nilang pakinggan ang mga salita ko at itinakwil nila ang mga kautusan ko.

Jeremias 6