Jeremias 6:11-17 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Matindi rin ang galit na nararamdaman ko tulad ng sa Panginoon at hindi ko mapigilan.” Sinabi ng Panginoon, “Ipapadama ko ang galit ko pati sa mga batang naglalaro sa lansangan, mga kabataang lalaki na nagkakatipon, mga mag-asawa at pati na sa matatanda.

12. Ibibigay sa iba ang mga bahay nila, pati ang mga bukid at mga asawa nila. Mangyayari ito kapag pinarusahan ko na ang mga nakatira sa lupaing ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

13. “Mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, pare-pareho silang sakim sa pera. Kahit ang mga propeta at mga pari ay mga mandaraya rin.

14. Binabalewala nila ang sugat ng aking mga mamamayan kahit malala na ito. Sinasabi rin nila na payapa ang lahat, kahit hindi naman.

15. Nahihiya ba sila sa ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Wala na kasi silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila sa araw na parusahan ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

16. Ito pa ang sinabi ng Panginoon, “Tumayo kayo sa mga kanto at magmasid kayo nang mabuti. Magtanong kayo kung alin ang dati at mabuting daan, at doon kayo dumaan. At makakamtan ninyo ang kapayapaan. Pero sinabi ninyo, ‘Hindi kami dadaan doon.’

17. Naglagay ako ng mga tagapagbantay at sinabi nila sa inyo, ‘Pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta bilang babala.’ Pero sinabi ninyo, ‘Hindi namin iyon pakikinggan.’

Jeremias 6