Jeremias 6:1-8 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. “Mga lahi ni Benjamin, tumakas kayo at magtago! Umalis kayo sa Jerusalem! Patunugin nʼyo ang trumpeta sa Tekoa at hudyatan nʼyo ang Bet Hakerem, dahil darating na ang kapahamakan mula sa hilaga.

2. Wawasakin ko ang magandang lungsod ng Jerusalem.

3. Papalibutan ito ng mga pinuno at ng kanilang mga sundalo. Magtatayo sila ng kanilang mga tolda sa paligid nito at doon sila magkakampo.

4. Sasabihin ng mga pinuno, ‘Humanda kayo! Pagsapit ng tanghali, sasalakayin natin sila.’ Pero pagdating ng hapon, sasabihin ng pinuno, ‘Lumulubog na ang araw at medyo nagdidilim na.

5. Ngayong gabi na lang tayo sasalakay at wawasakin natin ang mga matitibay na bahagi ng lungsod na ito.’ ”

6. Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Pumutol kayo ng mga kahoy na pangwasak sa mga pader ng Jerusalem, at magtambak kayo ng lupa sa gilid ng pader at doon kayo dumaan. Nararapat nang parusahan ang lungsod na ito dahil laganap na rito ang mga pang-aapi.

7. Katulad ng bukal na patuloy ang pag-agos ng tubig, patuloy ang paggawa nito ng kasamaan. Palaging nababalitaan sa lungsod na ito ang mga karahasan at panggigiba. Palagi kong nakikita ang mga karamdaman at sugat nito.

8. Mga taga-Jerusalem, babala ito sa inyo at kung ayaw pa ninyong makinig, lalayo ako sa inyo, at magiging mapanglaw ang lupain nʼyo at wala nang maninirahan dito.”

Jeremias 6