20. Hindi kayang timbangin ang mga tanso na mula sa dalawang haligi, sa lalagyan ng tubig na tinatawag nilang Dagat, sa 12 torong tanso na patungan nito at mga karitong ginagamit sa pag-igib ng tubig. Ang mga gamit na itoʼy ipinagawa noon ni Solomon para sa templo ng Panginoon.
21. Ang taas ng bawat haligi ay 27 talampakan at ang kabuuang bilog ay 18 talampakan, may butas ito sa gitna, at ang kapal ng tanso ay apat na pulgada.
22. Ang bawat haligi ay may parang ulo sa itaas, na nasa pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Pinaikutan ito ng mga mala-kadenang dugtong-dugtong at napapalibutan ito ng palamuting tanso, na hugis prutas na pomegranata.
23. Sa gilid ng bawat haligi ay may 96 na palamuti na kahugis ng prutas ng pomegranata na nakapaikot sa kadenang magkakakabit sa parang ulo ng haligi.
24. Binihag din ni Nebuzaradan sina Seraya na punong pari, Zefanias na pangalawang punong pari at ang tatlong tagapagbantay ng pinto ng templo.
25. Ito pa ang mga nakita niya at dinalang bihag mula sa lungsod: ang opisyal ng mga sundalo ng Juda, ang pitong tagapamahala ng hari, ang kumander na kumukuha at nagsasanay ng mga taong magiging sundalo at ang 60 pang mamamayan doon.
26. Silang lahat ay dinala ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia na nasa Ribla,
27. na sakop ng Hamat. At doon sila ipinapatay ng hari.Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila.
28-30. Ito ang bilang ng mga taong binihag ni Haring Nebucadnezar:Noong ikapitong taon ng paghahari niya, 3,023.Noong ika-18 taon ng paghahari niya, 832.Noong ika-23 taon ng paghahari niya, 745. Si Nebuzaradan ang bumihag sa kanila. May kabuuang bilang na 4,600 ang binihag.