15. At dinala niyang bihag ang mga natitirang tao sa lungsod, pati na ang ilang pinakadukhang mga tao at ang mga taong kumampi sa hari ng Babilonia.
16. Pero iniwan din niya ang ilan sa pinakadukhang mga tao para alagaan ang mga ubasan at mga bukirin.
17. Sinira ng mga taga-Babilonia ang mga sumusunod na kagamitan sa templo ng Panginoon: ang haliging tanso, mga karitong ginagamit sa pag-igib, at ang malaking lalagyan ng tubig na tanso na tinatawag nilang Dagat. At dinala nila sa Babilonia ang lahat ng tanso.
18. Kinuha rin nila ang mga kawali, mga pala, mga pamputol sa mitsa ng ilaw, mga mangkok at ang iba pang tanso na ginagamit sa templo.
19. Kinuha ni Nebuzaradan ang mga planggana, mga lalagyan ng baga, mga mangkok, mga palayok, mga lalagyan ng ilaw, mga tasa at mga mangkok na ginagamit sa pag-aalay ng handog na inumin, at iba pang kagamitang gawa sa ginto at pilak.
20. Hindi kayang timbangin ang mga tanso na mula sa dalawang haligi, sa lalagyan ng tubig na tinatawag nilang Dagat, sa 12 torong tanso na patungan nito at mga karitong ginagamit sa pag-igib ng tubig. Ang mga gamit na itoʼy ipinagawa noon ni Solomon para sa templo ng Panginoon.
21. Ang taas ng bawat haligi ay 27 talampakan at ang kabuuang bilog ay 18 talampakan, may butas ito sa gitna, at ang kapal ng tanso ay apat na pulgada.
22. Ang bawat haligi ay may parang ulo sa itaas, na nasa pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Pinaikutan ito ng mga mala-kadenang dugtong-dugtong at napapalibutan ito ng palamuting tanso, na hugis prutas na pomegranata.
23. Sa gilid ng bawat haligi ay may 96 na palamuti na kahugis ng prutas ng pomegranata na nakapaikot sa kadenang magkakakabit sa parang ulo ng haligi.
24. Binihag din ni Nebuzaradan sina Seraya na punong pari, Zefanias na pangalawang punong pari at ang tatlong tagapagbantay ng pinto ng templo.
25. Ito pa ang mga nakita niya at dinalang bihag mula sa lungsod: ang opisyal ng mga sundalo ng Juda, ang pitong tagapamahala ng hari, ang kumander na kumukuha at nagsasanay ng mga taong magiging sundalo at ang 60 pang mamamayan doon.
26. Silang lahat ay dinala ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia na nasa Ribla,
27. na sakop ng Hamat. At doon sila ipinapatay ng hari.Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila.
28-30. Ito ang bilang ng mga taong binihag ni Haring Nebucadnezar:Noong ikapitong taon ng paghahari niya, 3,023.Noong ika-18 taon ng paghahari niya, 832.Noong ika-23 taon ng paghahari niya, 745. Si Nebuzaradan ang bumihag sa kanila. May kabuuang bilang na 4,600 ang binihag.
31. Noong ika-37 taon ng pagkabihag ni Haring Jehoyakin ng Juda, naging hari ng Babilonia si Evil Merodac. Pinalaya niya si Jehoyakin nang ika-25 araw ng ika-12 buwan nang taon na iyon.
32. Mabait siya kay Haring Jehoyakin at pinarangalan niya ito ng higit kaysa sa ibang mga hari na bihag din doon sa Babilonia.
33. Kaya hindi na nagsuot si Haring Jehoyakin ng damit na para sa mga bilanggo, at mula noon ay kumakain na siya kasama ng hari.
34. At bawat araw, binibigyan siya ng hari ng Babilonia ng kanyang mga pangangailangan hanggang sa siya ay namatay.