48. At kapag nangyari iyon, sisigaw sa kagalakan ang langit at ang lupa, at ang lahat ng nandito dahil sa pagkawasak ng Babilonia. Sapagkat sasalakayin ito ng mga mangwawasak mula sa hilaga. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
49. “Kinakailangang wasakin ang Babilonia dahil sa pagpatay niya sa mga Israelita at sa iba pang mga tao sa buong mundo.
50. “Kayong mga natitirang buhay, tumakas na kayo mula sa Babilonia at huwag kayong tumigil! Alalahanin nʼyo ang Panginoon at ang Jerusalem kahit na nasa malalayo kayong lugar.
51. Sinasabi ninyo, ‘Nahihiya kami. Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan dahil ang templo ng Panginoon ay dinungisan ng mga dayuhan.’
52. Pero darating ang araw na parurusahan ko ang mga dios-diosan ng Babilonia. At ang mga daing ng mga sugatang taga-Babilonia ay maririnig sa buong lupain nila.
53. Kahit na umabot pa sa langit ang mga pader ng Babilonia at kahit tibayan pa nila ito nang husto, magpapadala pa rin ako ng wawasak dito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
54. Mapapakinggan ang mga iyakan sa buong Babilonia dahil sa pagkawasak nito.
55. Wawasakin ko ang Babilonia at magiging tahimik ito. Sasalakay sa kanya ang mga kaaway na parang umuugong na alon. Maririnig ang sigawan nila sa kanilang pagsalakay.
56. Darating ang mga wawasak ng Babilonia at bibihagin ang mga kawal niya, at mababali ang mga pana nila. Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Dios na nagpaparusa sa masasama. At parurusahan ko ang Babilonia ayon sa nararapat sa kanya.
57. Lalasingin ko ang kanyang mga tagapamahala, marurunong, mga pinuno, mga punong sundalo at ang buong hukbo niya. Mahihimbing sila at hindi na magigising habang panahon. Ako, ang Hari na nagsasabi nito. Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko.”
58. Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Wawasakin ang makakapal na pader ng Babilonia at susunugin ang matataas niyang pintuan. Magiging walang kabuluhan ang lahat ng pinaghirapan ng mga mamamayan niya dahil ang lahat ng iyon ay masusunog lang.”
59. Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya na isa sa mga nakakataas na tagapamahala ni Haring Zedekia. Si Seraya ay anak ni Neria at apo ni Maseya. Sinabi ni Jeremias ang mensaheng ito noong pumunta si Seraya sa Babilonia kasama ni Haring Zedekia. Ikaapat na taon noon ng paghahari ni Zedekia sa Juda.
60. Isinulat ni Jeremias sa nakarolyong sulatan ang lahat ng kapahamakang darating at mangyayari sa Babilonia.
61. Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya, “Kapag dumating ka sa Babilonia, basahin mo nang malakas sa mga tao ang nakasulat sa kasulatang ito.