Jeremias 50:4-17 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. “Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay iiyak na lalapit sa akin, ang Panginoon na kanilang Dios.

5. Magtatanong sila ng daan papuntang Jerusalem at pupunta sila roon. Gagawa sila ng walang hanggang kasunduan sa akin at hindi na nila ito kakalimutan.

6. “Ang mga mamamayan ko ay parang mga tupang naliligaw. Pinabayaan sila ng mga pastol nila roon sa kabundukan at kaburulan at hindi na nila alam ang daan pauwi.

7. Sinasakmal sila ng mga nakakakita sa kanila. Sinasabi ng mga kaaway nila, ‘Nagkasala sila sa Panginoon na siyang tunay nilang kapahingahan at pag-asa ng mga ninuno nila kaya wala tayong kasalanan sa ating pagsalakay sa kanila.’

8. “Tumakas kayo mula sa Babilonia! Iwanan na ninyo ang bansang iyan! Mauna na kayong tumakas katulad ng mga kambing na nangunguna sa mga kawan!

9. Sapagkat ipapasalakay ko ang Babilonia sa alyansa ng mga makapangyarihang bansa mula sa hilaga. Sasalakayin nila ang Babilonia at masasakop nila ito. Bihasa ang mga tagapana nila at walang mintis ang kanilang pagpana.

10. Sasamsamin nila ang mga ari-arian ng Babilonia at talagang magsasawa sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

11. “Mga taga-Babilonia, sinamsam nʼyo ang pag-aari ng mga mamamayan ko. Tuwang-tuwa kayo at masaya na parang dumalagang baka sa pastulan o kabayong humahalinghing.

12. Pero ilalagay ko sa kahihiyan ang inyong bansa. Magiging pinakaaba ito sa lahat ng bansa, at magiging isa itong mapanglaw at disyerto.

13. Dahil sa aking poot, wala nang maninirahan sa Babilonia at magiging mapanglaw ito. Masisindak at mangingilabot ang lahat ng dadaan dito dahil sa lahat ng nangyari sa bansang ito.

14. “Kayong mga tagapana, humanay na kayo sa pwesto nʼyo sa palibot ng Babilonia. Panain nʼyo siya dahil nagkasala siya sa Panginoon.

15. Sumigaw kayo laban sa kanya sa lahat ng dako! Tingnan nʼyo! Sumuko na ang Babilonia! Nawawasak na ang mga tore niya at gumuho na ang mga pader niya. Ang Panginoon ang naghiganti sa kanya. Kaya paghigantihan ninyo siya at gawin ninyo sa kanya ang ginawa niya sa iba.

16. Paalisin ninyo sa Babilonia ang mga nagtatanim at nag-aani. Iligtas ninyo ang mga bihag sa espada ng mga kaaway at patakasin ninyo sila at pauwiin sa sarili nilang lupain.

17. “Ang mga Israelita ay parang mga tupang nagkalat na hinahabol ng mga leon. Una, sinakmal sila ng hari ng Asiria, pagkatapos ang pinakahuling ngumatngat ng mga buto nila ay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia.

Jeremias 50