31. “Ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ay nagsasabing kalaban kita, Babiloniang mapagmataas! Dumating na ang araw na parurusahan kita.
32. Ikaw na palalo ay mawawasak at walang tutulong sa iyo para ibangon ka. Susunugin ko ang mga bayan mo at ang lahat ng nasa paligid nito.”
33. Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Inaapi ang mga mamamayan ng Israel at Juda. Binihag sila at binantayang mabuti para hindi sila makauwi sa bayan nila.
34. Pero ako ang kanilang Manunubos, Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko. Ipagtatanggol ko sila at bibigyan ng kapayapaan, pero guguluhin ko ang mga mamamayan ng Babilonia.
35. “Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ang espada ng kapahamakan ay tatama sa mga taga-Babilonia pati sa mga pinuno at matatalinong tao niya.
36. Tatama rin ito sa kanyang mga bulaang propeta at magiging mga mangmang sila. Tatama rin ito sa mga sundalo niya at matatakot sila!
37. Tatama ito sa kanyang mga kabayo, karwahe, at sa lahat ng kumakampi sa kanya. At manghihina sila na parang babae! Tatama rin ito sa mga kayamanan niya at sasamsamin itong lahat.
38. Matutuyo ang lahat ng pinagkukunan niya ng tubig! Sapagkat ang Babilonia ay lugar na punong-puno ng napakaraming dios-diosan – mga dios-diosang nagliligaw sa mga tao.
39. “At ang Babilonia ay titirhan na lang ng mga hayop sa gubat, mababangis na hayop, mga asong-gubat, at mga kuwago. At hindi na titirhan ng tao ang Babilonia magpakailanman.
40. Kung paanong winasak ng Dios ang Sodom at Gomora, at ang mga bayan sa palibot nito, ganoon din ang mangyayari sa Babilonia. Wala nang maninirahan doon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.