26. “Mga kalaban ng Babilonia, na nasa malayong lugar, salakayin nʼyo na ang Babilonia! Buksan nʼyo ang mga bodega niya. Ipunin nʼyo ang mga nasamsam nʼyo katulad ng trigo. Lipulin nʼyong lubos ang mga taga-Babilonia at huwag kayong magtitira kahit isa.
27. Patayin ninyo ang lahat ng kanilang mga kawal na tulad sa batang toro. Patayin ninyo silang lahat. Nakakaawa sila dahil dumating na ang panahon na dapat silang parusahan.
28. “Pakinggan nʼyo ang mga taong nakatakas sa Babilonia habang isinasalaysay nila sa Jerusalem kung paano naghiganti ang Panginoon na ating Dios dahil sa ginawa ng mga taga-Babilonia sa templo natin.
29. “Ipatawag nʼyo ang mga tagapana para sumalakay sa Babilonia! Palibutan nʼyo para walang makatakas. Paghigantihan nʼyo siya sa ginawa niya; gawin nʼyo sa kanya ang ginawa niya sa iba dahil kinalaban niya ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel.
30. Sa mga araw na iyon, mamamatay sa mga lansangan ang mga kabataan niyang lalaki pati ang lahat niyang kawal.
31. “Ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ay nagsasabing kalaban kita, Babiloniang mapagmataas! Dumating na ang araw na parurusahan kita.
32. Ikaw na palalo ay mawawasak at walang tutulong sa iyo para ibangon ka. Susunugin ko ang mga bayan mo at ang lahat ng nasa paligid nito.”
33. Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Inaapi ang mga mamamayan ng Israel at Juda. Binihag sila at binantayang mabuti para hindi sila makauwi sa bayan nila.
34. Pero ako ang kanilang Manunubos, Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko. Ipagtatanggol ko sila at bibigyan ng kapayapaan, pero guguluhin ko ang mga mamamayan ng Babilonia.
35. “Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ang espada ng kapahamakan ay tatama sa mga taga-Babilonia pati sa mga pinuno at matatalinong tao niya.
36. Tatama rin ito sa kanyang mga bulaang propeta at magiging mga mangmang sila. Tatama rin ito sa mga sundalo niya at matatakot sila!
37. Tatama ito sa kanyang mga kabayo, karwahe, at sa lahat ng kumakampi sa kanya. At manghihina sila na parang babae! Tatama rin ito sa mga kayamanan niya at sasamsamin itong lahat.
38. Matutuyo ang lahat ng pinagkukunan niya ng tubig! Sapagkat ang Babilonia ay lugar na punong-puno ng napakaraming dios-diosan – mga dios-diosang nagliligaw sa mga tao.
39. “At ang Babilonia ay titirhan na lang ng mga hayop sa gubat, mababangis na hayop, mga asong-gubat, at mga kuwago. At hindi na titirhan ng tao ang Babilonia magpakailanman.
40. Kung paanong winasak ng Dios ang Sodom at Gomora, at ang mga bayan sa palibot nito, ganoon din ang mangyayari sa Babilonia. Wala nang maninirahan doon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
41. “Tingnan ninyo! May mga sundalong dumarating mula sa hilaga. Isang makapangyarihang bansa mula sa malayong lupain na lalaban sa Babilonia.
42. Ang dala nilang mga sandata ay mga pana at mga sibat. Malulupit sila at walang habag. Ang ingay nilaʼy parang malalakas na alon habang nakasakay sila sa kanilang mga kabayo. Darating sila na handang-handa para salakayin kayong mga taga-Babilonia.