14. “Kayong mga tagapana, humanay na kayo sa pwesto nʼyo sa palibot ng Babilonia. Panain nʼyo siya dahil nagkasala siya sa Panginoon.
15. Sumigaw kayo laban sa kanya sa lahat ng dako! Tingnan nʼyo! Sumuko na ang Babilonia! Nawawasak na ang mga tore niya at gumuho na ang mga pader niya. Ang Panginoon ang naghiganti sa kanya. Kaya paghigantihan ninyo siya at gawin ninyo sa kanya ang ginawa niya sa iba.
16. Paalisin ninyo sa Babilonia ang mga nagtatanim at nag-aani. Iligtas ninyo ang mga bihag sa espada ng mga kaaway at patakasin ninyo sila at pauwiin sa sarili nilang lupain.
17. “Ang mga Israelita ay parang mga tupang nagkalat na hinahabol ng mga leon. Una, sinakmal sila ng hari ng Asiria, pagkatapos ang pinakahuling ngumatngat ng mga buto nila ay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia.
18. “Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Parurusahan ko si Haring Nebucadnezar at ang Babilonia katulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria.
19. Pero pababalikin ko ang mga Israelita sa bansa nila. Magiging parang mga tupa silang nanginginain sa kabundukan ng Carmel at sa kapatagan ng Bashan, at sa kaburulan ng Efraim at Gilead, at mabubusog sila.
20. Sa mga araw na iyon, wala nang makikitang mga kasalanan at pagsuway sa mga natitirang mga mamamayan ng Israel at Juda dahil patatawarin ko na sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
21. Sinabi pa ng Panginoon, “Salakayin nʼyo ang Merataim at ang Pekod. Patayin ninyo sila at lipulin nang lubusan bilang handog para sa akin. Gawin ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo.
22. Iparinig nʼyo ang sigawan ng labanan at ingay ng puspusang pangwawasak.
23. Ang Babilonia ay parang martilyong dumurog ng mga bansa, pero ngayon siya na ang nadurog. Nakita ng mga bansa kung paano nawasak ang Babilonia!
24. “O Babilonia, nahuli ka sa bitag na inilagay ko para sa iyo. Nahuli ka dahil lumaban ka sa akin.
25. Binuksan ko ang aking taguan ng mga armas at inilabas ko ang mga sandata dahil sa aking galit. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan ay may gagawin sa iyo, O Babilonia.
26. “Mga kalaban ng Babilonia, na nasa malayong lugar, salakayin nʼyo na ang Babilonia! Buksan nʼyo ang mga bodega niya. Ipunin nʼyo ang mga nasamsam nʼyo katulad ng trigo. Lipulin nʼyong lubos ang mga taga-Babilonia at huwag kayong magtitira kahit isa.
27. Patayin ninyo ang lahat ng kanilang mga kawal na tulad sa batang toro. Patayin ninyo silang lahat. Nakakaawa sila dahil dumating na ang panahon na dapat silang parusahan.
28. “Pakinggan nʼyo ang mga taong nakatakas sa Babilonia habang isinasalaysay nila sa Jerusalem kung paano naghiganti ang Panginoon na ating Dios dahil sa ginawa ng mga taga-Babilonia sa templo natin.
29. “Ipatawag nʼyo ang mga tagapana para sumalakay sa Babilonia! Palibutan nʼyo para walang makatakas. Paghigantihan nʼyo siya sa ginawa niya; gawin nʼyo sa kanya ang ginawa niya sa iba dahil kinalaban niya ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel.
30. Sa mga araw na iyon, mamamatay sa mga lansangan ang mga kabataan niyang lalaki pati ang lahat niyang kawal.