1. Ito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias tungkol sa Babilonia at sa mga mamamayan nito:
2. “Ipahayag sa mga bansa ang balita nang walang inililihim! At itaas ang watawat na tanda ng pagkawasak ng Babilonia! Madudurog at mapapahiya ang mga dios-diosan niya pati na ang dios-diosang si Bel at Marduk.
3. Sapagkat sasalakayin ang Babilonia ng isang bansa mula sa hilaga, at magiging mapanglaw ang lugar na ito. Wala nang maninirahan dito dahil tatakas ang mga mamamayan niya pati ang mga hayop.
4. “Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay iiyak na lalapit sa akin, ang Panginoon na kanilang Dios.
5. Magtatanong sila ng daan papuntang Jerusalem at pupunta sila roon. Gagawa sila ng walang hanggang kasunduan sa akin at hindi na nila ito kakalimutan.
6. “Ang mga mamamayan ko ay parang mga tupang naliligaw. Pinabayaan sila ng mga pastol nila roon sa kabundukan at kaburulan at hindi na nila alam ang daan pauwi.
7. Sinasakmal sila ng mga nakakakita sa kanila. Sinasabi ng mga kaaway nila, ‘Nagkasala sila sa Panginoon na siyang tunay nilang kapahingahan at pag-asa ng mga ninuno nila kaya wala tayong kasalanan sa ating pagsalakay sa kanila.’
8. “Tumakas kayo mula sa Babilonia! Iwanan na ninyo ang bansang iyan! Mauna na kayong tumakas katulad ng mga kambing na nangunguna sa mga kawan!
9. Sapagkat ipapasalakay ko ang Babilonia sa alyansa ng mga makapangyarihang bansa mula sa hilaga. Sasalakayin nila ang Babilonia at masasakop nila ito. Bihasa ang mga tagapana nila at walang mintis ang kanilang pagpana.
10. Sasamsamin nila ang mga ari-arian ng Babilonia at talagang magsasawa sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
11. “Mga taga-Babilonia, sinamsam nʼyo ang pag-aari ng mga mamamayan ko. Tuwang-tuwa kayo at masaya na parang dumalagang baka sa pastulan o kabayong humahalinghing.
12. Pero ilalagay ko sa kahihiyan ang inyong bansa. Magiging pinakaaba ito sa lahat ng bansa, at magiging isa itong mapanglaw at disyerto.