Jeremias 49:27-39 Ang Salita ng Dios (ASND)

27. Susunugin ko ang mga pader ng Damascus, pati ang matitibay na palasyo ni Haring Ben Hadad.”

28. Ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Kedar at mga kaharian ng Hazor na sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia:“Humanda kayo at salakayin nʼyo ang Kedar. Lipulin nʼyo ang mga taong ito ng silangan.

29. Ang mga tolda, kawan, mga ari-arian, at mga kamelyo nila ay sasamsamin. Sisigaw sila, ‘Napapaligiran tayo ng mga nakakatakot nating kaaway.’

30. “Mga taga-Hazor, magmadali kayo at tumakas! Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing magtago na kayo sa mga kweba. Nagplano ng masama laban sa inyo si Haring Nebucadnezar ng Babilonia.

31. Ako, ang Panginoon, ang nag-utos sa kanila, ‘Lusubin nʼyo ang mga taong namumuhay nang tiwasay at walang anumang ikinababalisa. Walang trangka ang pintuan ng lungsod nila, at nabubuhay sila na sila-sila lang.

32. Ang mga kamelyo nila at ang lahat ng kawan nila ay magiging inyo. Pangangalatin ko ang mga taong ito na nakatira sa malayong lugar at pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan mula sa kung saan-saan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

33. Magiging malungkot ang Hazor magpakailanman at walang taong maninirahan doon kundi magiging tirahan na lang ng mga asong-gubat.’ ”

34. Ito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias tungkol sa Elam noong nagpasimulang maghari si Zedekia sa Juda.

35. Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Papatayin ko ang mga tagapana ng Elam – ang pinakamahusay nilang mga kawal.

36. Sasalakayin ang Elam ng mga kaaway mula sa lahat ng panig, at pangangalatin ko ang mga mamamayan niya sa lahat ng dako. Bibihagin sila sa lahat ng bansa sa buong daigdig.

37. Lilipulin ko sila sa pamamagitan ng mga kaaway nila na nais pumatay sa kanila. Talagang pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan dahil sa matindi kong galit sa kanila. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ipapasalakay ko sila sa mga kaaway nila hanggang sa mawala silang lahat.

38. Papatayin ko ang hari at ang mga pinuno ng Elam, at itatayo ko roon ang trono ko.

39. Pero darating ang araw na ibabalik ko ang Elam sa mabuting kalagayan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Jeremias 49