2. Ako, ang Panginoon ay nagsasabing, darating ang araw na ipapasalakay ko sa mga kaaway ang Rabba. Wawasakin ang lungsod nʼyong ito pati ang mga baryo sa palibot ay susunugin. Sa ganitong paraan, mapapalayas ng mga taga-Israel ang mga nagpalayas sa kanila.
3. “Umiyak kayo nang malakas, kayong mga taga-Heshbon dahil wasak na ang Ai. Umiyak din kayong mga taga-Rabba. Magdamit kayo ng damit na sako at magparooʼt parito sa gilid ng pader para ipakita ang pagluluksa ninyo. Sapagkat bibihagin ang dios-diosan nʼyong si Molec pati ang mga pari at pinuno niya.
4. Kayong mga taksil, bakit ninyo ipinagyayabang ang inyong masaganang mga kapatagan? Nagtitiwala kayo sa kayamanan ninyo at sinasabi ninyong walang sasalakay sa inyo.
5. Ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ay magpapadala sa inyo ng mga kaaway mula sa mga bansa sa palibot ninyo para takutin kayo. Palalayasin nila kayo sa inyong lupain at walang sinumang tutulong sa inyo.
6. Pero darating ang araw na ibabalik ko sa mabuting kalagayan ang mga taga-Ammon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
7. Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan tungkol sa Edom:“Nasaan na ang marurunong sa Teman? Wala na bang natitirang marunong magpayo?
8. Kayong mga nakatira sa Dedan tumakas kayo at magtago sa malalalim na kweba. Sapagkat padadalhan ko ng kapahamakan ang mga lahi ni Esau sa oras na parusahan ko sila.
9. Hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nag-iiwan ng mga bunga? Hindi baʼt ang mga magnanakaw ay kumukuha rin lang ng anumang magugustuhan nila?
10. Pero kukunin ang lahat ng ari-arian ng mga angkan ni Esau. Kukunin ko ang takip ng pinagtataguan nila para hindi na sila makapagtago. Mamamatay ang mga anak, kamag-anak at mga kapitbahay nila. Walang matitira sa kanila.