16. Ipinagmamalaki ninyo na nakatira kayo sa batuhan at matataas na lugar. Pero sa pagmamataas at pananakot nʼyong iyan sa iba, dinadaya nʼyo ang sarili ninyo. Sapagkat kahit na naninirahan kayo sa pinakamataas na lugar katulad ng pinagpupugaran ng agila, ibabagsak ko pa rin kayo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
17. Sinabi pa ng Panginoon, “Magiging malagim ang kalagayan ng Edom. Ang lahat ng dumadaan ay mangingilabot at halos hindi makapaniwala sa nangyari sa bansang ito.
18. Kung paanong nawasak ang Sodom at Gomora at ang mga bayan sa palibot nito, ganoon din ang mangyayari sa Edom. At wala nang maninirahan dito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
19. Bigla kong sasalakayin ang Babilonia katulad ng leon na galing sa kagubatan malapit sa Ilog ng Jordan, sasalakay patungo sa pastulan ng maraming tupa. Magsisitakas sila, at pipili ako ng taong mamamahala sa Edom. Sino ang maitutulad sa akin? Sino ang mangangahas na kalabanin ako? Sino ang pinunong makakalaban sa akin?
20. Kaya pakinggan nʼyo ang binabalak kong gawin laban sa Edom pati sa mga mamamayan ng Teman: Bibihagin ko ang mga anak nila at gigibain ang mga tahanan nila.
21. At dahil sa matinding pagkawasak ng Edom, mayayanig ang lupa at ang iyakan ng mga taga-roon ay maririnig hanggang sa Dagat na Pula.
22. Tingnan nʼyo! Ang kaaway ay parang agila na lumilipad na dadagit sa mga taga-Bozra. Sa panahong iyon, matatakot at magiging parang babaeng malapit nang manganak ang mga sundalo sa Edom.”
23. Ito ang mensahe tungkol sa Damascus: “Natakot ang mga taga-Hamat at taga-Arpad sa masasamang balita na narinig nila. Naguguluhan at nanlulupaypay sila, at hindi mapalagay katulad ng maalong dagat.
24. Nanghihina ang mga taga-Damascus at tumakas sila dahil sa takot. Takot at sakit ng damdamin ang nararamdaman nila na para bang babaeng malapit nang manganak.
25. Ang tanyag at masayang lungsod ng Damascus ay itinakwil.
26. Ang mga kabataan niyang lalaki ay mamamatay sa mga lansangan pati ang lahat ng kawal niya.
27. Susunugin ko ang mga pader ng Damascus, pati ang matitibay na palasyo ni Haring Ben Hadad.”
28. Ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Kedar at mga kaharian ng Hazor na sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia:“Humanda kayo at salakayin nʼyo ang Kedar. Lipulin nʼyo ang mga taong ito ng silangan.