6. “Iligtas ninyo ang inyong sarili! Tumakas kayo papuntang ilang.
7. Mga taga-Moab, nagtitiwala kayo sa kakayahan at kayamanan ninyo kaya bibihagin kayo pati ang dios-diosan ninyong si Kemosh at ang mga pari at mga pinuno nito.
8. “Darating ang manlilipol sa bawat bayan at walang bayan na makakaligtas. Mawawasak ang mga bayan sa lambak at talampas. Mangyayari ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.
9. May pakpak sana ang Moab para makalipad siya papalayo, dahil wala nang kabuluhan ang mga bayan nito at wala nang maninirahan dito.
10. Sumpain ang taong pabaya sa paggawa ng gawain ng Panginoon laban sa Moab. Sumpain ang taong hindi papatay sa mga taga-Moab.
11. Tahimik ang pamumuhay ng Moab mula pa noon. Hindi pa ito nakaranas ng pagkabihag. Parang alak ito na hindi nagagalaw o naisasalin man sa isang sisidlan. Kaya ang lasa at amoy nitoʼy hindi nagbabago.
12. “Pero darating ang araw na isusugo ko ang mga kaaway para ibuhos ang Moab mula sa kanyang lalagyan at pagkatapos ay babasagin ang lalagyan nito.
13. At ikakahiya ng mga taga-Moab ang dios-diosan nilang si Kemosh, gaya ng nangyari sa Betel nang ikahiya ng mga Israelita ang dios-diosan nila.
14. Ipinagmamalaki ng mga taga-Moab na matatapang ang sundalo nila sa pakikipaglaban.