36. “Kaya umiiyak ang aking puso para sa Moab at sa mga taga-Kir Hareset, gaya ng malungkot na tugtog ng plauta sa patay. Wala na ang mga kayamanang nakamit nila.
37. Ang bawat isaʼy nagpahayag ng kalungkutan nila sa pamamagitan ng pagpapakalbo, pag-aahit, pagsugat sa mga kamay nila at pagsusuot ng damit na pangluksa.
38. Nag-iiyakan ang mga tao sa mga bahay nila at sa mga plasa, dahil winasak ko ang Moab na parang banga na binasag at wala nang pumapansin.
39. Gayon na lamang ang pagkawasak ng Moab! Pakinggan nʼyo ang iyakan ng mga mamamayan. Nakakahiya ang Moab. Kinukutya at kinamumuhian ito ng mga bansa sa palibot nito.”
40. Sinabi pa ng Panginoon, “Tingnan nʼyo! Ang kaaway ng Moab ay parang agila na lumilipad para dagitin ito.
41. Sasakupin ang mga lungsod at ang mga kampo ng Moab. Sa mga araw na iyon, matatakot ang mga sundalo ng Moab katulad ng isang babaeng malapit nang manganak.
42. Mawawasak ang Moab dahil sa paghihimagsik niya sa Panginoon.
43. Ang sasapitin ng mga taga-Moab ay takot, hukay at bitag.
44. “Ang sinumang tatakas dahil sa takot ay mahuhulog sa hukay. At ang sinumang makakaligtas sa hukay ay mahuhuli sa bitag, dahil talagang parurusahan ko ang Moab sa takdang panahon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
45. Ang mga kawawang nakatakas ay nais magtago sa Heshbon. Pero ang Heshbon na pinagharian ni Haring Sihon ay nagliliyab sa apoy at nilamon pati ang mga kabundukan na pinagtataguan ng mga taga-Moab na ang gusto ay digmaan.
46. Hala! Tapos na kayo, kayong mga taga-Moab! Kayong mga sumasamba sa dios-diosang si Kemosh ay bibihagin ang inyong mga anak.
47. Pero darating ang araw na ibabalik ko ang mabuting kalagayan ng Moab. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.” Ito ang mensahe tungkol sa Moab.