28. Umalis na kayo sa bayan nʼyo at tumira sa mababatong lugar, na parang mga kalapating nagpupugad sa mga bitak ng matatarik at mababatong lugar.
29. Napakayabang ninyo. Narinig ko kung gaano kayo kayabang at kapalalo.
30. Ako, ang Panginoon, nalalaman ko kung gaano kayo kayabang, pero iyan ay walang kabuluhan.
31. Kaya iiyak ako para sa mga taga-Moab at mga taga-Kir Hareset.
32. Iiyak din ako para sa mga taga-Sibna ng higit kaysa sa pag-iyak ko sa mga taga-Jazer. Sibma, para kang halamang ubas na ang mga sanga ay umabot sa kabila ng Dagat na Patay hanggang sa Jazer. Pero ngayon, inubos ng mga maninira ang bunga mo.
33. Wala nang maririnig na kasayahan at katuwaan sa mga bukid at mga ubasan sa lupain ng Moab. Hindi na umaagos ang katas ng ubas sa mga pisaan. Wala ng mga pumipisa ng ubas na sumisigaw sa tuwa. May mga sumisigaw nga, pero hindi na sigaw ng tuwa.
34. Ang iyakan ng mga taga-Heshbon ay naririnig hanggang sa Eleale at Jahaz. Ang iyakan ng mga taga-Zoar ay naririnig hanggang sa Horonaim at sa Eglat Shelishiya. Sapagkat kahit ang batis ng Nimrim ay tuyo na.
35. Patitigilin ko sa Moab ang mga naghahandog sa mga sambahan sa matataas na lugar at nagsusunog ng insenso sa mga dios-diosan nila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
36. “Kaya umiiyak ang aking puso para sa Moab at sa mga taga-Kir Hareset, gaya ng malungkot na tugtog ng plauta sa patay. Wala na ang mga kayamanang nakamit nila.
37. Ang bawat isaʼy nagpahayag ng kalungkutan nila sa pamamagitan ng pagpapakalbo, pag-aahit, pagsugat sa mga kamay nila at pagsusuot ng damit na pangluksa.