Jeremias 48:21-38 Ang Salita ng Dios (ASND)

21. “Parurusahan din ang mga bayan sa talampas: ang Holon, Jaza, Mefaat,

22. Dibon, Nebo, Bet Diblataim,

23. Kiriataim, Bet Gamul, Bet Meon,

24. Keriot at Bozra. Darating na ang parusa sa lahat ng bayan ng Moab, sa malayo at malapit.

25. Wala nang kapangyarihan ang Moab at mahina na ito ngayon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

26. “Lasingin nʼyo ang Moab dahil naghimagsik siya sa akin. Gugulong siya sa sariling suka at magiging katawa-tawa.

27. Kayong mga taga-Moab, hindi baʼt kinutya ninyo ang Israel? Bakit, nahuli ba siyang nagnakaw? Bakit iiling-iling pa kayo sa pagkutya nʼyo sa kanya?

28. Umalis na kayo sa bayan nʼyo at tumira sa mababatong lugar, na parang mga kalapating nagpupugad sa mga bitak ng matatarik at mababatong lugar.

29. Napakayabang ninyo. Narinig ko kung gaano kayo kayabang at kapalalo.

30. Ako, ang Panginoon, nalalaman ko kung gaano kayo kayabang, pero iyan ay walang kabuluhan.

31. Kaya iiyak ako para sa mga taga-Moab at mga taga-Kir Hareset.

32. Iiyak din ako para sa mga taga-Sibna ng higit kaysa sa pag-iyak ko sa mga taga-Jazer. Sibma, para kang halamang ubas na ang mga sanga ay umabot sa kabila ng Dagat na Patay hanggang sa Jazer. Pero ngayon, inubos ng mga maninira ang bunga mo.

33. Wala nang maririnig na kasayahan at katuwaan sa mga bukid at mga ubasan sa lupain ng Moab. Hindi na umaagos ang katas ng ubas sa mga pisaan. Wala ng mga pumipisa ng ubas na sumisigaw sa tuwa. May mga sumisigaw nga, pero hindi na sigaw ng tuwa.

34. Ang iyakan ng mga taga-Heshbon ay naririnig hanggang sa Eleale at Jahaz. Ang iyakan ng mga taga-Zoar ay naririnig hanggang sa Horonaim at sa Eglat Shelishiya. Sapagkat kahit ang batis ng Nimrim ay tuyo na.

35. Patitigilin ko sa Moab ang mga naghahandog sa mga sambahan sa matataas na lugar at nagsusunog ng insenso sa mga dios-diosan nila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

36. “Kaya umiiyak ang aking puso para sa Moab at sa mga taga-Kir Hareset, gaya ng malungkot na tugtog ng plauta sa patay. Wala na ang mga kayamanang nakamit nila.

37. Ang bawat isaʼy nagpahayag ng kalungkutan nila sa pamamagitan ng pagpapakalbo, pag-aahit, pagsugat sa mga kamay nila at pagsusuot ng damit na pangluksa.

38. Nag-iiyakan ang mga tao sa mga bahay nila at sa mga plasa, dahil winasak ko ang Moab na parang banga na binasag at wala nang pumapansin.

Jeremias 48