14. Ipinagmamalaki ng mga taga-Moab na matatapang ang sundalo nila sa pakikipaglaban.
15. Pero mawawasak ang Moab at ang mga bayan nito. Papatayin ang kanilang matatapang na kabataan. Ako, ang Panginoon na Haring Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.
16. “Malapit na ang kapahamakan ng Moab.
17. Umiyak kayo, kayong lahat na kakampi ng Moab! Sabihin nʼyo, ‘Wala na ang Moab! Nabali na ang tungkod niya, ang tungkod na sagisag ng kapangyarihan at katanyagan niya.’
18. “Kayong mga taga-Dibon, magpakumbaba kayo at maupo sa lupa dahil ang nagwasak sa Moab ay sasalakay din sa inyo at gigibain ang mga lungsod nʼyo na napapalibutan ng mga pader.
19. Kayong mga nasa Aroer, tumayo kayo sa tabi ng daan at magbantay. Magtanong kayo sa mga nakatakas kung ano ang nangyari.
20. Sasagot sila, ‘Nawasak at napahiya ang Moab. Humiyaw kayo at umiyak. Isigaw nʼyo sa Arnon na nawasak ang Moab.’
21. “Parurusahan din ang mga bayan sa talampas: ang Holon, Jaza, Mefaat,
22. Dibon, Nebo, Bet Diblataim,
23. Kiriataim, Bet Gamul, Bet Meon,
24. Keriot at Bozra. Darating na ang parusa sa lahat ng bayan ng Moab, sa malayo at malapit.
25. Wala nang kapangyarihan ang Moab at mahina na ito ngayon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
26. “Lasingin nʼyo ang Moab dahil naghimagsik siya sa akin. Gugulong siya sa sariling suka at magiging katawa-tawa.
27. Kayong mga taga-Moab, hindi baʼt kinutya ninyo ang Israel? Bakit, nahuli ba siyang nagnakaw? Bakit iiling-iling pa kayo sa pagkutya nʼyo sa kanya?
28. Umalis na kayo sa bayan nʼyo at tumira sa mababatong lugar, na parang mga kalapating nagpupugad sa mga bitak ng matatarik at mababatong lugar.
29. Napakayabang ninyo. Narinig ko kung gaano kayo kayabang at kapalalo.
30. Ako, ang Panginoon, nalalaman ko kung gaano kayo kayabang, pero iyan ay walang kabuluhan.