Jeremias 48:1-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, tungkol sa Moab:“Nakakaawa ang Nebo dahil wawasakin ito. Mapapahiya at bibihagin ang Kiriataim at matitibag ang mga muog nito.

2. Hindi na papupurihan ang Moab; ang mga kaaway sa Heshbon ay nagbabalak na wasakin ang Moab. At ikaw naman Madmen ay sasalakayin ng mga kaaway at magiging mapanglaw.

3. Pakinggan nʼyo ang sigawan sa Horonaim, dahil sa matinding digmaan at kapahamakan.

4. Mawawasak ang Moab at mag-iiyakan ang mga bata.

5. Ang mga mamamayan ng Moab ay mag-iiyakan nang malakas habang paakyat sila sa Luhit at pababa sa Honoraim. Mag-iiyakan sila dahil sa kapahamakan.

6. “Iligtas ninyo ang inyong sarili! Tumakas kayo papuntang ilang.

7. Mga taga-Moab, nagtitiwala kayo sa kakayahan at kayamanan ninyo kaya bibihagin kayo pati ang dios-diosan ninyong si Kemosh at ang mga pari at mga pinuno nito.

8. “Darating ang manlilipol sa bawat bayan at walang bayan na makakaligtas. Mawawasak ang mga bayan sa lambak at talampas. Mangyayari ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.

9. May pakpak sana ang Moab para makalipad siya papalayo, dahil wala nang kabuluhan ang mga bayan nito at wala nang maninirahan dito.

10. Sumpain ang taong pabaya sa paggawa ng gawain ng Panginoon laban sa Moab. Sumpain ang taong hindi papatay sa mga taga-Moab.

11. Tahimik ang pamumuhay ng Moab mula pa noon. Hindi pa ito nakaranas ng pagkabihag. Parang alak ito na hindi nagagalaw o naisasalin man sa isang sisidlan. Kaya ang lasa at amoy nitoʼy hindi nagbabago.

12. “Pero darating ang araw na isusugo ko ang mga kaaway para ibuhos ang Moab mula sa kanyang lalagyan at pagkatapos ay babasagin ang lalagyan nito.

13. At ikakahiya ng mga taga-Moab ang dios-diosan nilang si Kemosh, gaya ng nangyari sa Betel nang ikahiya ng mga Israelita ang dios-diosan nila.

14. Ipinagmamalaki ng mga taga-Moab na matatapang ang sundalo nila sa pakikipaglaban.

Jeremias 48