6. Malakas kayo at mabilis tumakbo pero hindi pa rin kayo makakatakas. Mabubuwal kayo at mamamatay malapit sa Ilog ng Eufrates.
7. “Ano itong bansang naging makapangyarihan, na katulad ng Ilog ng Nilo na tumataas ang tubig at umaapaw hanggang sa pampang?
8. Ito ay ang bansang Egipto, na naging makapangyarihan katulad ng Ilog ng Nilo na tumataas ang tubig at umaapaw hanggang sa pampang. Sinabi ng Egipto, ‘Naging makapangyarihan ako gaya ng baha na umapaw sa buong mundo. Wawasakin ko ang mga lungsod at ang mga mamamayan nito.’
9. “Sige, mga taga-Egipto, patakbuhin na ninyo ang mga kabayo at karwahe ninyo! Sumalakay na kayo pati ang lahat ng kakampi ninyo na mula sa Etiopia, Put, at Lydia na bihasa sa paggamit ng mga kalasag at pana.
10. Pero mananalo ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa digmaang ito. Maghihiganti siya sa mga kaaway niya sa araw na ito. Ang espada niyaʼy parang gutom na hayop na lalamon sa kanila at iinom ng dugo nila hanggang sa mabusog. Ang mga bangkay nilaʼy parang mga handog sa Panginoong Dios na Makapangyarihan doon sa lupain sa hilaga malapit sa Ilog ng Eufrates.