10. Pero mananalo ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa digmaang ito. Maghihiganti siya sa mga kaaway niya sa araw na ito. Ang espada niyaʼy parang gutom na hayop na lalamon sa kanila at iinom ng dugo nila hanggang sa mabusog. Ang mga bangkay nilaʼy parang mga handog sa Panginoong Dios na Makapangyarihan doon sa lupain sa hilaga malapit sa Ilog ng Eufrates.
11. “O mga taga-Egipto, kahit na pumunta pa kayo sa Gilead para maghanap ng panlunas na gamot, ang lahat ng gamot ay wala nang bisa at hindi na makapagpapagaling sa inyo.
12. Mababalitaan ng mga bansa sa buong daigdig ang kahihiyan at pagtangis ninyo. Mabubuwal ang inyong mga sundalo nang patung-patong.”
13. Ito ang sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias tungkol sa pagsalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa Egipto:
14. “Jeremias ipahayag ito sa Egipto, Migdol, Memfis at Tapanhes: Humanda na kayo dahil nakahanda na ang espada para lipulin kayo.
15. Bakit tumakas ang matatapang nʼyong kawal? Tumakas sila dahil itinaboy sila ng Panginoon.
16. Patung-patong na mabubuwal ang inyong mga sundalo. Sasabihin nila, ‘Bumangon tayo at umuwi sa lupaing sinilangan natin, sa mga kababayan natin, para makaiwas tayo sa espada ng mga kaaway natin.’