1. Ito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias tungkol sa mga bansa:
2. Ito ang mensahe laban sa mga sundalo ni Faraon Neco na hari ng Egipto:Tinalo sila ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia roon sa Carkemish malapit sa Ilog ng Eufrates, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda:
3. “Ihanda ninyo ang inyong mga kalasag at pumunta kayo sa digmaan!
4. Ihanda rin ninyo ang inyong mga kabayong pandigma. Isuot ang inyong mga helmet, hasain ang inyong mga sibat, at isukbit ang inyong mga sandata.
5. Pero ano itong nakita ko? Natatakot kayo at umuurong. Natalo kayo at mabilis na tumakas na hindi man lang lumilingon dahil sa takot.
6. Malakas kayo at mabilis tumakbo pero hindi pa rin kayo makakatakas. Mabubuwal kayo at mamamatay malapit sa Ilog ng Eufrates.
7. “Ano itong bansang naging makapangyarihan, na katulad ng Ilog ng Nilo na tumataas ang tubig at umaapaw hanggang sa pampang?
8. Ito ay ang bansang Egipto, na naging makapangyarihan katulad ng Ilog ng Nilo na tumataas ang tubig at umaapaw hanggang sa pampang. Sinabi ng Egipto, ‘Naging makapangyarihan ako gaya ng baha na umapaw sa buong mundo. Wawasakin ko ang mga lungsod at ang mga mamamayan nito.’
9. “Sige, mga taga-Egipto, patakbuhin na ninyo ang mga kabayo at karwahe ninyo! Sumalakay na kayo pati ang lahat ng kakampi ninyo na mula sa Etiopia, Put, at Lydia na bihasa sa paggamit ng mga kalasag at pana.
10. Pero mananalo ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa digmaang ito. Maghihiganti siya sa mga kaaway niya sa araw na ito. Ang espada niyaʼy parang gutom na hayop na lalamon sa kanila at iinom ng dugo nila hanggang sa mabusog. Ang mga bangkay nilaʼy parang mga handog sa Panginoong Dios na Makapangyarihan doon sa lupain sa hilaga malapit sa Ilog ng Eufrates.
11. “O mga taga-Egipto, kahit na pumunta pa kayo sa Gilead para maghanap ng panlunas na gamot, ang lahat ng gamot ay wala nang bisa at hindi na makapagpapagaling sa inyo.
12. Mababalitaan ng mga bansa sa buong daigdig ang kahihiyan at pagtangis ninyo. Mabubuwal ang inyong mga sundalo nang patung-patong.”
13. Ito ang sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias tungkol sa pagsalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa Egipto:
14. “Jeremias ipahayag ito sa Egipto, Migdol, Memfis at Tapanhes: Humanda na kayo dahil nakahanda na ang espada para lipulin kayo.
15. Bakit tumakas ang matatapang nʼyong kawal? Tumakas sila dahil itinaboy sila ng Panginoon.
16. Patung-patong na mabubuwal ang inyong mga sundalo. Sasabihin nila, ‘Bumangon tayo at umuwi sa lupaing sinilangan natin, sa mga kababayan natin, para makaiwas tayo sa espada ng mga kaaway natin.’
17. Sasabihin din nila, ‘Ang Faraon na hari ng Egipto ay magaling lang sa salita, at sinasayang lang niya ang mga pagkakataon.’
18. “Ako, ang buhay na Hari, ang Panginoong Makapangyarihan, isinusumpa kong mayroong sasalakay sa Egipto na nakahihigit sa kanya, katulad ng Bundok ng Tabor sa gitna ng mga kabundukan o ng Bundok ng Carmel sa tabi ng dagat.