13. Gagawin ko sa inyo rito sa Egipto ang ginawa ko sa Jerusalem. Parurusahan ko rin kayo sa pamamagitan ng digmaan, gutom at sakit.
14. Mamamatay kayong lahat, kayong mga natirang buhay sa Juda at tumira rito sa Egipto. Hindi na kayo makakabalik sa Juda kahit gusto ninyong bumalik at manirahan doon. Walang makakabalik sa inyo maliban sa iilan na makakatakas.”
15. Napakaraming Judio ang nagtipon at nakinig kay Jeremias. Nakatira sila sa hilaga at timog ng Egipto. Ang mga lalaking naroroon at nakakaalam na ang asawa nilaʼy nagsusunog ng mga insenso sa mga dios-diosan, at ang lahat ng babaeng nagtitipon doon ay nagsabi kay Jeremias,
16. “Hindi kami maniniwala sa mga sinasabi mo sa amin sa pangalan ng Panginoon!
17. Gagawin namin ang lahat ng nais naming gawin: Magsusunog kami ng mga insenso sa aming diyosa na ‘Reyna ng Langit’! At maghahandog kami sa kanya ng mga handog na inumin gaya ng ginawa namin sa mga bayan ng Juda at lansangan ng Jerusalem. Ito rin ang ginawa ng aming mga ninuno at ng aming mga hari at mga pinuno. Mabuti ang kalagayan namin noon; marami kaming pagkain, at walang masamang nangyayari sa amin.
18. Pero nang tumigil kami sa pagsusunog ng insenso sa Reyna ng Langit at hindi na kami nag-alay sa kanya ng mga handog na inumin, naghirap kami at marami ang namatay sa digmaan at gutom.”
19. Sinabi rin ng mga babae, “Alam ng mga asawa namin kapag magsusunog kami ng mga insenso para sa Reyna ng Langit at mag-aalay ng mga handog na inumin, at magluluto ng tinapay na katulad ng larawan niya.”
20. Kaya sinabi ni Jeremias ang ganito sa mga nangangatwiran sa kanya,
21. “Akala ba ninyoʼy hindi alam ng Panginoon na kayo at ang inyong mga ninuno, ang inyong mga hari at mga pinuno, at ang lahat ng mamamayan ay nagsunog ng insenso sa mga dios-diosan sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?
22. At nang hindi na matiis ng Panginoon ang mga kasamaan at kasuklam-suklam ninyong gawa, winasak niya ang lupain ninyo at naging kasumpa-sumpa at malungkot dahil wala nang nakatira, katulad ng nangyari ngayon.