Jeremias 44:1-9 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi ng Panginoon kay Jeremias ang tungkol sa lahat ng Judio na naninirahan sa gawing hilaga ng Egipto sa mga lungsod ng Migdol, Tapanhes, at Memfis pati ang mga naroon sa gawing timog ng Egipto.

2. Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Nakita ninyo ang kapahamakang pinaranas ko sa Jerusalem at sa lahat ng bayan ng Juda. Wasak na ito ngayon at wala nang naninirahan doon,

3. dahil sa kasamaang ginawa ng mga mamamayan nila. Ginalit nila ako sa pagsusunog nila ng mga insenso at pagsamba sa mga dios-diosan na hindi nila kilala o ng mga ninuno nila.

4. Palagi kong isinusugo ang mga lingkod ko na mga propeta para bigyan sila ng babala na huwag nilang gagawin ang bagay na iyon na kasuklam-suklam sa akin at kinapopootan ko,

5. pero hindi sila nakinig o sumunod sa mga propeta. Hindi sila tumalikod sa kasamaan nila o tumigil sa pagsusunog nila ng mga insenso para sa mga dios-diosan.

6. Kaya ibinuhos ko sa kanila ang tindi ng galit ko. Parang apoy ito na tumupok sa mga bayan ng Juda at Jerusalem, at naging malungkot ang mga lugar na ito at wasak hanggang ngayon.

7. “Kaya ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagtatanong, ‘Bakit ninyo sinisira ang inyong sarili? Gusto ba ninyo na malipol ang mga tao sa Juda – ang mga lalaki, babae, bata at mga sanggol?

8. Bakit ninyo ako ginagalit sa paggawa ninyo ng inyong mga dios? Nagsusunog pa kayo ng mga insenso para sa mga ito dito sa Egipto kung saan kayo ngayon naninirahan. Ipinapahamak ninyo ang sarili ninyo at ginagawa ninyong kasuklam-suklam at kahiya-hiya sa lahat ng bansa sa daigdig.

9. Nakalimutan na ba ninyo ang mga kasamaang ginawa ng inyong mga ninuno, mga hari, mga reyna ng Juda, ang mga kasamaang ginawa ninyo at ng inyong mga asawa sa lupain ng Juda at Jerusalem?

Jeremias 44