Jeremias 42:4-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Sinabi ni Jeremias, “Sige, mananalangin ako sa Panginoon na inyong Dios para sa kahilingan nʼyo, at sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi niya. Wala akong ililihim sa inyo.”

5. Sinabi pa nila kay Jeremias, “Ang Panginoon na iyong Dios ang tunay at tapat nating saksi, kung hindi namin gagawin ang lahat ng sasabihin niya sa pamamagitan mo.

6. Magustuhan man namin o hindi, bastaʼt susundin namin ang sasabihin ng Panginoon naming Dios, para maging mabuti ang lahat para sa amin.”

7. Pagkalipas ng sampung araw, nagsalita ang Panginoon kay Jeremias.

8. Kaya pinatawag ni Jeremias si Johanan na anak ni Karea at ang lahat ng kasama niyang opisyal ng mga sundalo, pati ang lahat ng mamamayan mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila.

9. At sinabi ni Jeremias sa kanila, “Hiniling ninyo na manalangin ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel, at ito ang sagot niya:

10. Kung mananatili kayo sa lupaing ito, ibabangon ko kayo at muling itatayo at hindi na ipapahamak. Sapagkat totoong nalungkot ako sa kapahamakang ipinaranas ko sa inyo.

11. Huwag na kayong matakot sa hari ng Babilonia dahil kasama ninyo ako at ililigtas ko kayo sa mga kamay niya.

Jeremias 42