Jeremias 42:14-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Pupunta kami sa Egipto at doon maninirahan dahil doon ay walang digmaan o taggutom.’

15. Ito ang sasabihin sa inyo ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kayong mga natitirang taga-Juda, kung nagpasya kayong pumunta sa Egipto at doon manirahan,

16. ang digmaan at taggutom na inyong kinatatakutan ay susunod sa inyo, at doon kayo mamamatay.

17. Ang lahat ng may nais manirahan sa Egipto ay mamamatay sa digmaan, gutom at sakit. Walang sinuman sa kanila ang makakaligtas o makakatakas sa kapahamakang ipaparanas ko sa kanila.’

18. “Ito pa ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kung paano ko ipinadama sa mga taga-Jerusalem ang tindi ng galit ko, ipadarama ko rin sa inyo ang galit ko kung pupunta kayo sa Egipto. Susumpain at kasusuklaman kayo ng mga tao. Kukutyain nila kayo at ituturing na masama, at hindi na kayo makakabalik pa sa lupaing ito.’

19. “Kayong mga natitirang taga-Juda, sinasabi ng Panginoon na huwag kayong pupunta sa Egipto. Tandaan nʼyo ang mga babalang ito na sinabi ko sa inyo ngayon.

20. Hindi mabuti ang ginawa ninyo. Hiniling ninyo sa akin na lumapit sa Panginoon na inyong Dios at manalangin para sa inyo at sinabing gagawin ninyo ang lahat ng sasabihin niya.

21. Pero ngayong sinabi ko sa inyo ang ipinapasabi niya, ayaw naman ninyong sundin.

22. Kaya tinitiyak ko sa inyo na mamamatay kayo sa digmaan, taggutom at sakit sa Egipto, sa lugar kung saan nais ninyong manirahan.”

Jeremias 42