Jeremias 4:21-31 Ang Salita ng Dios (ASND)

21. Hanggang kailan ko kaya makikita ang watawat ng digmaan at ang tunog ng trumpeta?”

22. Sinabi ng Panginoon, “Hangal ang mga mamamayan ko; hindi nila ako nakikilala. Silaʼy mga mangmang na kabataan at hindi nakakaunawa. Sanay silang gumawa ng masama pero hindi marunong gumawa ng mabuti.”

23. Tiningnan ko ang lupain at nakita kong itoʼy wala nang anyo at wala nang laman. At nakita ko ring ang langit ay wala nang liwanag.

24. Nakita ko ang mga bundok at mga burol na niyayanig.

25. Nakita ko rin na walang tao at lumilipad ang mga ibon papalayo.

26. Nakita ko na ang masaganang bukirin ay naging ilang. Nawasak ang lahat ng bayan dahil sa matinding galit ng Panginoon.

27. Ito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang buong lupain ay magigiba, pero hindi ko ito gigibaing lubos.

28. Iiyak ang sanlibutan at magdidilim ang langit, dahil sinabi ko na ang kaparusahan at hindi ko na ito babaguhin. Nakapagpasya na ako at hindi na magbabago ang isip ko.”

29. Sa ingay ng mga nangangabayo at mamamana, tumakas na sa takot ang mga mamamayan ng bawat bayan. Ang iba ay tumakas sa kagubatan at ang iba ay umakyat sa batuhan. Ang lahat ng bayan ay iniwanan at walang natirang naninirahan sa mga ito.

30. Jerusalem malapit ka nang mawasak. Ano ang ginagawa mo? Bakit nakadamit ka pa ng magandang damit at mga alahas? Bakit naglalagay ka pa ng mga kolorete sa mga mata mo? Wala nang kabuluhan ang pagpapaganda mo. Itinakwil ka na ng iyong mga minamahal na kakamping bansa at gusto ka na nilang patayin.

31. Narinig ko ang pag-iyak at pagdaing, na parang babaeng nanganganak sa kanyang panganay. Iyak ito ng mga mamamayan ng Jerusalem na parang hinahabol ang kanilang hininga. Itinataas nila ang kanilang mga kamay at nagsasabing, “Kawawa naman kami; at parang hihimatayin na, sapagkat nariyan na ang aming mga kaaway na papatay sa amin.”

Jeremias 4