Jeremias 4:13-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Tingnan nʼyo! Dumarating ang kaaway natin na parang mga ulap. Ang mga karwahe niyaʼy parang ipu-ipo at ang mga kabayo niyaʼy mas mabilis kaysa sa mga agila. Nakakaawa tayo! Ito na ang ating katapusan!

14. “Mga taga-Jerusalem, linisin ninyo ang kasamaan sa inyong puso para maligtas kayo. Hanggang kailan kayo mag-iisip ng masama?

15. Ang kapahamakan ninyoʼy ibinalita na ng mga mensahero mula sa Dan at sa kabundukan ng Efraim.

16. Inutusan silang bigyan ng babala ang mga bansa at ang Jerusalem na may mga sundalong sumasalakay mula sa malayong lugar na humahamon ng digmaan sa mga lungsod ng Juda.

17. Pinaligiran nila ang Jerusalem na parang mga taong nagbabantay ng bukid, dahil ang Jerusalem ay naghimagsik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

18. Ang pag-uugali at masasama nʼyong gawa ang nagdala ng parusang ito sa inyo. Ito ang kaparusahan ninyo. Masakit ito! At tatagos ito sa inyong puso.”

19. “Ang sakit sa puso koʼy halos hindi ko na matiis at ganoon na lamang ang pagdaing ko. Kumakabog ang dibdib ko at hindi ako mapalagay. Sapagkat narinig ko ang tunog ng trumpeta at ang sigaw ng digmaan.

20. Sunud-sunod na dumating ang kapahamakan. Ang buong lupain ay nawasak. Pati ang tolda koʼy agad na nagiba at napunit ang mga tabing.

21. Hanggang kailan ko kaya makikita ang watawat ng digmaan at ang tunog ng trumpeta?”

22. Sinabi ng Panginoon, “Hangal ang mga mamamayan ko; hindi nila ako nakikilala. Silaʼy mga mangmang na kabataan at hindi nakakaunawa. Sanay silang gumawa ng masama pero hindi marunong gumawa ng mabuti.”

23. Tiningnan ko ang lupain at nakita kong itoʼy wala nang anyo at wala nang laman. At nakita ko ring ang langit ay wala nang liwanag.

Jeremias 4