Jeremias 4:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi ng Panginoon, “O Israel, kung talagang gusto mong magbalik sa akin, bumalik ka na. Kung itatakwil mo ang kasuklam-suklam mong mga dios-diosan at hindi ka na hihiwalay sa akin,

2. at kung susumpa ka sa pangalan ko lamang at mamumuhay nang tapat, matuwid at tama, magiging pagpapala ka sa mga bansa at pararangalan nila ako.”

3. Sinabi ng Panginoon sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem, “Baguhin nʼyo ang inyong mga sarili na para bang nagbubungkal kayo ng inyong lupa na hindi pa nabubungkal. At huwag nʼyong ihasik ang mabuti nʼyong binhi sa mga damong matinik.

4. Linisin nʼyo ang inyong mga puso sa presensya ng Panginoon, kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem, dahil kung hindi ay mararanasan nʼyo ang galit kong parang apoy na hindi namamatay dahil sa ginawa nʼyong kasamaan.

5. “Sabihin mo sa Juda at Jerusalem na patunugin nila ang trumpeta sa buong lupain. Isigaw nang malinaw at malakas na tumakas sila at magtago sa mga napapaderang lungsod.

6. Balaan mo ang mga taga-Jerusalem na tumakas agad sila dahil magpapadala ako ng kapahamakan mula sa hilaga.”

7. Ang tagapagwasak na sasalakay sa mga bansa ay parang leon na lumabas sa pinagtataguan nito. Nakaalis na siya sa lugar niya para wasakin ang lupain ninyo. Magigiba ang mga bayan ninyo hanggang sa hindi na ito matirhan.

8. Kaya isuot nʼyo na ang damit na panluksa at umiyak dahil matindi pa rin ang galit ng Panginoon sa atin.

9. Sinabi ng Panginoon, “Sa araw na iyon, maduduwag ang hari at ang mga pinuno niya, masisindak ang mga pari, at mangingilabot ang mga propeta.”

10. Pagkatapos, sinabi ko, “Panginoong Dios, nalinlang po ang mga tao sa sinabi nʼyo noon, dahil nangako po kayo na mananatiling payapa ang Jerusalem. Pero ang espada pala ay nakahanda nang pumatay sa amin.”

Jeremias 4