13. Pagkatapos, iniahon nila siya mula sa loob ng balon at ibinalik sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo.
14. Muling ipinatawag ni Haring Zedekia si Jeremias doon sa pangatlong pintuan ng templo ng Panginoon. Sinabi ni Zedekia kay Jeremias, “May itatanong ako sa iyo, at nais kong sabihin mo sa akin ang totoo.”
15. Sinabi ni Jeremias kay Zedekia, “Kapag sinabi ko po sa inyo ang katotohanan, ipapapatay nʼyo pa rin ako. At kahit na payuhan ko po kayo, hindi rin po kayo maniniwala sa akin.”
16. Pero lihim na sumumpa si Haring Zedekia kay Jeremias. Sinabi niya, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon, na siya ring nagbigay ng buhay sa atin, na hindi kita papatayin o ibibigay sa mga nais pumatay sa iyo.”
17. Sinabi ni Jeremias kay Zedekia, “Ito ang sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kung susuko po kayo sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas po ang buhay nʼyo at hindi po nila susunugin ang lungsod na ito. Kayo po at ang sambahayan nʼyo ay mabubuhay.
18. Pero kung hindi po kayo susuko, ibibigay ang lungsod na ito sa mga taga-Babilonia, at ito po ay kanilang susunugin at hindi po kayo makakatakas sa kanila.’ ”
19. Sinabi ni Haring Zedekia, “Natatakot ako sa mga Judiong kumakampi sa mga taga-Babilonia, baka ibigay ako ng mga taga-Babilonia sa kanila at saktan nila ako.”
20. Sinabi ni Jeremias, “Hindi po kayo ibibigay sa kanila kung susundin nʼyo lang ang Panginoon. Maliligtas po ang buhay nʼyo at walang anumang mangyayari sa inyo.
21. Pero kung hindi po kayo susuko, ito naman ang sinabi sa akin ng Panginoon na mangyayari sa inyo:
22. Ang lahat ng babaeng naiwan sa palasyo nʼyo ay dadalhin ng mga pinuno ng hari sa Babilonia. At sasabihin sa inyo ng mga babaeng ito, ‘Niloko po kayo ng mga matalik nʼyong kaibigan. At ngayon na nakalubog po sa putik ang mga paa nʼyo, iniwan nila kayo.’
23. “Dadalhin po nila ang lahat ng asawaʼt anak nʼyo sa Babilonia. Kayo po ay hindi rin makakatakas sa kanila. At ang lungsod na itoʼy susunugin nila.”
24. Pagkatapos, sinabi ni Zedekia kay Jeremias, “Huwag mong sasabihin kaninuman ang napag-usapan natin para hindi ka mamatay.
25. Maaaring mabalitaan ng mga pinuno na nag-usap tayo. Baka puntahan ka nila at itanong sa iyo, ‘Ano ang pinag-usapan ninyo ng hari? Kung hindi mo sasabihin ay papatayin ka namin.’