Jeremias 38:1-9 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Nabalitaan nina Shefatia na anak ni Matan, Gedalia na anak ni Pashur, Jehucal na anak ni Shelemia, at Pashur na anak ni Malkia ang sinabi ni Jeremias sa mga tao. Ito ang sinabi niya, “Sinasabi ng Panginoon na

2. ang sinumang manatili rito sa lungsod ay mamamatay sa digmaan, gutom at sakit. Pero ang sinumang susuko sa mga taga-Babilonia ay hindi mamamatay. Makakaligtas siya at mabubuhay.

3. Sinasabi rin ng Panginoon na tiyak na maaagaw at sasakupin ng mga taga-Babilonia ang lungsod na ito.”

4. Kaya sinabi ng mga pinunong iyon sa hari, “Kinakailangang patayin ang taong ito dahil pinahihina niya ang loob ng mga sundalong natitira, pati ang mga mamamayan dahil sa mga sinasabi niya sa kanila. Hindi siya naghahangad ng kabutihan para sa mga tao kundi ang kapahamakan nila.”

5. Sumagot si Haring Zedekia, “Ibibigay ko siya sa inyo. Gawin nʼyo sa kanya ang ibig ninyo.”

6. Kaya kinuha nila si Jeremias sa kulungan at ibinaba nila sa balon na nasa himpilan ng mga guwardya. Ang balon na ito ay pag-aari ni Malkia na anak ng hari. Walang tubig ang balon pero may putik, at halos lumubog doon si Jeremias.

7-8. Ngunit nang nabalitaan ito ni Ebed Melec na taga-Etiopia na isa ring pinuno sa palasyo, pinuntahan niya ang hari sa palasyo. Nakaupo noon ang hari sa Pintuan ni Benjamin. Sinabi niya sa hari,

9. “Mahal na Hari, masama po ang ginawa ng mga taong iyon kay Jeremias. Inihulog nila siya sa balon, at tiyak na mamamatay siya doon sa gutom, dahil halos mauubos na po ang tinapay sa buong lungsod.”

Jeremias 38