Jeremias 36:10-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Binasa ni Baruc ang mga sinabi ni Jeremias na nakasulat sa nakarolyong sulatan sa templo malapit sa silid ni Gemaria na kalihim na anak ni Shafan. Ang silid ni Gemaria ay nasa itaas ng bulwagan ng templo, malapit sa dinadaanan sa Bagong Pintuan.

11. Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemaria at apo ni Shafan ang mensahe ng Panginoon na binasa ni Baruc,

12. pumunta siya sa palasyo, doon sa silid ng kalihim, kung saan nagtitipon ang lahat ng mga pinuno. Naroon sina Elishama na kalihim, si Delaya na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemaria na anak ni Shafan, si Zedekia na anak ni Hanania, at ang iba pang mga pinuno.

13. Isinalaysay ni Micaya ang lahat ng narinig niya sa binasa ni Baruc sa mga tao.

14. Kaya inutusan agad ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Shelemia, at apo sa tuhod ni Cushi na puntahan si Baruc at sabihing dalhin niya ang nakarolyong kasulatan na binasa niya sa mga tao, at pumunta sa kanila. Kaya pumunta si Baruc na dala ang kasulatang iyon.

15. Pagdating ni Baruc, sinabi ng mga pinuno, “Maupo ka at basahin mo sa amin ang kasulatan.” Kaya binasa naman ni Baruc ang kasulatan sa kanila.

16. Nang marinig nila ang lahat ng nakasulat doon, nagtinginan sila sa takot at sinabi nila kay Baruc, “Kailangan natin itong sabihin sa hari.”

17. Tinanong nila si Baruc, “Sabihin mo sa amin, paano mo naisulat ang lahat ng ito? Sinabi ba ito sa iyo ni Jeremias?”

18. Sumagot si Baruc, “Oo, sinabi sa akin ni Jeremias ang bawat salita sa nakarolyong ito at isinulat ko naman sa pamamagitan ng tinta.”

19. Sinabi ng mga pinuno kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias at huwag ninyong ipaalam kaninuman kung nasaan kayo.”

20. Inilagay ng mga pinuno ang kasulatang iyon doon sa silid ni Elishama na kalihim at pumunta sila sa hari roon sa bulwagan ng palasyo, at sinabi nila sa kanya ang lahat.

21. Kaya inutusan ng hari si Jehudi na kunin ang kasulatan. Kinuha ito ni Jehudi sa silid ni Elishama at binasa sa hari at sa lahat ng pinuno na nakatayo sa tabi niya.

22. Taglamig noon kaya ang hari ay nasa silid niyang pangtaglamig at nakaupo siya malapit sa apoy.

23. Sa bawat mababasa ni Jehudi na tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng kanyang kutsilyo at itinatapon niya sa apoy hanggang sa masunog ang lahat ng kasulatan.

24. Hindi natakot ang hari at ang lahat ng pinuno niya sa narinig nila na isinasaad ng kasulatan. Ni hindi nila pinunit ang damit nila tanda ng pagdadalamhati.

Jeremias 36