1. Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi ng Panginoon kay Jeremias,
2. “Kumuha ka ng masusulatan at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo tungkol sa Israel, Juda, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko, mula nang una kitang kausapin sa panahon ni Haring Josia hanggang ngayon.
3. Baka sakaling magsisi ang mga mamamayan ng Juda kapag narinig nila ang kapahamakang binabalak kong gawin sa kanila at talikuran nila ang masasama nilang ugali. At kapag nangyari ito, patatawarin ko sila sa mga kasamaan at kasalanan nila.”
4. Kaya ipinatawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Neria at idinikta sa kanya ang lahat ng sinabi ng Panginoon, at isinulat naman ni Baruc sa nakarolyong sulatan.
5. Pagkatapos, sinabi ni Jeremias kay Baruc, “Pinagbabawalan akong pumunta sa templo ng Panginoon.
6. Kaya ikaw na lang ang pumunta roon sa araw ng pag-aayuno. Magtitipon doon ang mga mamamayan ng Juda galing sa bayan nila. Basahin mo sa kanila ang sinasabi ng Panginoon sa kasulatang ito na isinalaysay ko sa iyo.
7. Baka sakaling sa pamamagitan nitoʼy lumapit sila sa Panginoon at talikuran nila ang masasama nilang pag-uugali. Sapagkat binigyan na sila ng babala ng Panginoon na silaʼy parurusahan niya dahil sa matindi niyang galit sa kanila.”
8. Ginawa ni Baruc ang iniutos sa kanya ni Jeremias. Binasa nga niya roon sa templo ang ipinapasabi ng Panginoon.
9. Nangyari ito noong araw ng pag-aayuno sa presensya ng Panginoon, nang ikasiyam na buwan nang ikalimang taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Nagtipon sa templo ang mga mamamayan ng Jerusalem at ng mga bayan ng Juda.
10. Binasa ni Baruc ang mga sinabi ni Jeremias na nakasulat sa nakarolyong sulatan sa templo malapit sa silid ni Gemaria na kalihim na anak ni Shafan. Ang silid ni Gemaria ay nasa itaas ng bulwagan ng templo, malapit sa dinadaanan sa Bagong Pintuan.
11. Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemaria at apo ni Shafan ang mensahe ng Panginoon na binasa ni Baruc,
12. pumunta siya sa palasyo, doon sa silid ng kalihim, kung saan nagtitipon ang lahat ng mga pinuno. Naroon sina Elishama na kalihim, si Delaya na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemaria na anak ni Shafan, si Zedekia na anak ni Hanania, at ang iba pang mga pinuno.