Jeremias 33:10-17 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Sinabi pa ng Panginoon, “Sinasabi ninyong malungkot at walang tao at mga hayop ang Juda at Jerusalem. Pero darating ang araw na muling mapapakinggan sa mga lugar na ito ang mga kasayahan at kagalakan.

11. Muling maririnig ang kagalakan ng mga bagong kasal, at ng mga taong nagdadala ng mga handog ng pasasalamat sa templo ng Panginoon. Sasabihin nila, ‘Magpasalamat tayo sa Panginoong Makapangyarihan dahil napakabuti niya. Ang pagmamahal niyaʼy walang hanggan.’ Talagang magsasaya ang mga tao dahil ibabalik ko ang mabuting kalagayan sa lupaing ito katulad noong una. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

12. Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Kahit na mapanglaw ang lupaing ito ngayon at walang tao at hayop, darating ang araw na magkakaroon ng mga pastulan sa lahat ng bayan na pagdadalhan ng mga pastol ng kanilang mga kawan.

13. Muling dadami ang kawan nila sa mga bayan sa kabundukan, sa mga kaburulan sa kanluran, sa Negev, sa lupain ng Benjamin, sa mga lugar na nakapalibot sa Jerusalem at sa mga bayan ng Juda. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

14. Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na tutuparin ko ang mga kabutihang ipinangako ko sa mga mamamayan ng Israel.

15. Sa panahong iyon, pamamahalain ko ang haring matuwid na mula sa angkan ni David. Paiiralin niya ang katarungan at katuwiran sa buong lupain.

16. At sa panahon ding iyon maliligtas ang mga taga-Juda at mamumuhay nang payapa ang mga taga-Jerusalem. Ang Jerusalem ay tatawaging, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’ ”

17. Sinabi pa ng Panginoon, “Si David ay laging magkakaroon ng angkang maghahari sa mga mamamayan ng Israel.

Jeremias 33