Jeremias 33:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Habang si Jeremias ay naroon pa sa kulungan sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo, nagsalita ang Panginoon sa kanya sa pangalawang beses.

2. Ito ang sinasabi ng Panginoong lumikha ng mundo at naghugis nito –  Panginoon ang pangalan niya:

3. “Tumawag ka sa akin at sasagutin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga kahanga-hanga at mahihiwagang bagay na hindi mo pa alam.

4. Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: Kahit giniba na ang mga bahay sa Jerusalem at ang palasyo ng hari ng Juda para gawing mga pampatibay ng pader upang hindi ito mapasok ng mga kaaway,

5. papasukin pa rin ito ng mga taga-Babilonia. Maraming mamamatay sa lungsod na ito dahil wawasakin ko ito sa tindi ng galit ko sa inyo. Itatakwil ko ang lungsod na ito dahil sa kasamaan nito.

6. “Pero darating ang araw na pagagalingin ko ang lungsod na ito at ang mga mamamayan nito. At mamumuhay silang may kaunlaran at kapayapaan.

7. Pababalikin ko ang mga taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkakabihag, at itatayo ko ulit ang lungsod nila katulad noon.

8. Lilinisin at papatawarin ko sila sa lahat ng kasalanang ginawa nila sa akin.

9. At kapag nangyari ito, ang lungsod ng Jerusalem ay magbibigay sa akin ng kadakilaan, kagalakan at kapurihan. At ang bawat bansa sa daigdig ay manginginig sa takot kapag nabalitaan nila ang mga kabutihan, kaunlaran at kapayapaan na ipinagkaloob ko sa lungsod na ito.”

10. Sinabi pa ng Panginoon, “Sinasabi ninyong malungkot at walang tao at mga hayop ang Juda at Jerusalem. Pero darating ang araw na muling mapapakinggan sa mga lugar na ito ang mga kasayahan at kagalakan.

11. Muling maririnig ang kagalakan ng mga bagong kasal, at ng mga taong nagdadala ng mga handog ng pasasalamat sa templo ng Panginoon. Sasabihin nila, ‘Magpasalamat tayo sa Panginoong Makapangyarihan dahil napakabuti niya. Ang pagmamahal niyaʼy walang hanggan.’ Talagang magsasaya ang mga tao dahil ibabalik ko ang mabuting kalagayan sa lupaing ito katulad noong una. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Jeremias 33