Jeremias 32:35-44 Ang Salita ng Dios (ASND)

35. Nagtayo sila ng mga sambahan para kay Baal sa Lambak ng Ben Hinom at doon din nila inihahandog ang kanilang mga anak kay Molec. Hindi ko sila inutusan ng ganoon. Ni hindi sumagi sa isipan ko na gagawin nila itong kasuklam-suklam na bagay na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Juda.

36. “Jeremias, totoo ang sinabi mong ibibigay sa hari ng Babilonia ang lungsod na ito sa pamamagitan ng digmaan, taggutom at sakit. Pero ngayon ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi:

37. Titipunin ko ang mga mamamayan ko mula sa lahat ng bansa na pinangalatan ko sa kanila dahil sa matinding galit ko sa kanila. Muli ko silang dadalhin sa lugar na ito at mamumuhay sila nang payapa.

38. Magiging mamamayan ko sila at akoʼy magiging Dios nila.

39. Bibigyan ko sila ng pagkakaisa sa puso at hangarin sa buhay upang sambahin nila ako magpakailanman, para sa sarili nilang kabutihan at sa kabutihan ng mga angkan nila.

40. Gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa kanila na patuloy akong gagawa ng mabuti sa kanila. Bibigyan ko sila ng hangaring gumalang sa akin para hindi na sila lumayo sa akin.

41. Kagalakan ko ang gawan sila ng mabuti at buong puso ko silang patitirahin sa lupaing ito.”

42. Sinabi pa ng Panginoon, “Kung paano ko pinadalhan ng kapahamakan ang mga taong ito, darating ang araw na padadalhan ko rin sila ng kabutihang ipinangako ko sa kanila.

43. At muling magbibilihan ng mga bukid sa lupaing ito na ngayon ay malungkot at walang naninirahang tao o hayop man dahil ibinigay ito sa mga taga-Babilonia.

44. “Muling magbibilihan ng mga bukid, na lalagdaan, tatatakan at sasaksihan ang mga kasulatan ng bilihan. Gagawin ito sa lupain ni Benjamin, sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, sa mga bayan ng Juda, sa mga bayan sa kabundukan at kaburulan sa kanluran, at sa Negev. Mangyayari ito dahil pababalikin ko ang mga mamamayan ko sa lupain nila mula sa pagkakabihag. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Jeremias 32