Jeremias 32:1-8 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Ang Panginoon ay nagsalita kay Jeremias noong ikasampung taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, nang ika-18 taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia.

2. Nang panahong iyon, kinukubkob ang Jerusalem ng mga sundalo ng Babilonia, at si Propeta Jeremias ay nakakulong sa bilangguan sa himpilan ng mga guwardya sa palasyo ng hari ng Juda.

3. Ikinulong siya roon ni Haring Zedekia dahil sa kanyang ipinahayag. Sapagkat sinasabi ni Jeremias, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ibibigay ko ang lungsod na ito sa hari ng Babilonia at sasakupin niya ito.

4. Si Haring Zedekia ay hindi makakaligtas sa mga taga-Babilonia, kundi talagang ihaharap siya sa hari ng Babilonia para hatulan.

5. Dadalhin ko si Zedekia sa Babilonia at mananatili siya roon hanggang sa matapos ang pagpaparusa sa kanya. Lumaban man kayo sa mga taga-Babilonia, hindi rin kayo magtatagumpay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

6. Sinabi pa ni Jeremias, “Sinabi sa akin ng Panginoon na

7. si Hanamel na anak ng tiyo kong si Shalum ay lalapit sa akin at magsasabi, ‘Bilhin mo ang bukid ko sa Anatot. Dahil ikaw ang pinakamalapit kong kamag-anak, may karapatan at tungkulin kang bilhin ito.’

8. “Gaya nga ng sinabi sa akin ng Panginoon, pumunta sa akin si Hanamel na pinsan ko roon sa himpilan ng mga guwardya. Sinabi niya sa akin, ‘Bilhin mo ang bukid ko roon sa Anatot sa lupain ng lahi ni Benjamin. May karapatan at tungkulin ka para mapasaiyo iyon, kaya bilhin mo na iyon.’ ”Alam kong kalooban ito ng Panginoon,

Jeremias 32