Jeremias 31:5-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

5. Muli kayong magtatanim ng ubas sa mga burol ng Samaria at pakikinabangan nʼyo ang mga bunga nito.

6. Darating ang araw na ang mga nagbabantay ng lungsod ay sisigaw doon sa kabundukan ng Efraim, ‘Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem para sumamba sa Panginoon na ating Dios.’ ”

7. Sinabi ng Panginoon, “Umawit kayo at humiyaw para sa Israel, ang bansang pinakadakila sa lahat ng bansa. Magpuri kayo at sumigaw, ‘O Panginoon, iligtas mo ang mga mamamayan mo, ang mga natitirang buhay sa mga taga-Israel.’

8. Makinig kayo! Ako ang kukuha sa kanila at titipunin ko sila mula sa hilaga at sa alin mang bahagi ng mundo. Pati ang mga bulag at mga lumpo ay kasama, ganoon din ang mga buntis at ang mga malapit nang manganak. Napakalaking grupo ang uuwi.

9. Mag-iiyakan sila sa tuwa at mananalangin habang dinadala ko sila pauwi. Dadalhin ko sila sa mga bukal, dadaan sila sa magandang daan at hindi sila matitisod. Sapagkat ako ang ama ng Israel; at si Efraim ang panganay kong anak.

10. “Mga bansa, pakinggan nʼyo ang mensahe ko, at ibalita nʼyo ito sa malalayong lugar: ‘Pinangalat ko ang mga taga-Israel, pero muli ko silang titipunin at aalagaan ko sila katulad ng pag-aalaga ng pastol sa mga tupa niya.’

11. Ililigtas ko ang mga lahi ni Jacob sa kamay ng mga taong higit na makapangyarihan kaysa sa kanila.

12. Pupunta sila sa Bundok ng Zion at sisigaw dahil sa kagalakan. Magsasaya sila dahil sa mga pagpapala ko sa kanila. Magiging sagana ang mga trigo, ang bagong katas ng ubas, langis at mga hayop nila. Matutulad sila sa halamanang palaging dinidiligan at hindi na sila muling magdadalamhati.

13. Kung magkagayon, ang kanilang mga dalagaʼt binata pati ang matatanda ay sasayaw sa tuwa. Papalitan ko ng kagalakan ang pag-iiyakan nila. At sa halip na magdalamhati sila, bibigyan ko sila ng kaaliwan.

14. Bibigyan ko ng maraming handog ang mga pari. Bubusugin ko ng masaganang pagpapala ang mga mamamayan ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

15. Sinabi pa ng Panginoon, “May narinig na malakas iyakan at panaghoy sa Rama. Iniiyakan ni Raquel ang pagkamatay ng kanyang mga anak, at ayaw niyang magpaaliw dahil patay na ang mga ito.”

16. Pero sinabi ng Panginoon, “Huwag ka nang umiyak dahil gagantimpalaan kita sa mga ginawa mo. Babalik ang mga anak mo galing sa lupain ng mga kaaway.

17. Kaya may pag-asa ka sa hinaharap. Sapagkat talagang babalik ang mga anak mo sa sarili nilang lupain.”

18. Narinig ko ang panaghoy ng mga taga-Efraim. Sinabi nila, “Panginoon, kami po ay parang mga guya na hindi pa sanay sa pamatok, pero tinuruan nʼyo po kaming sumunod sa inyo. Kayo ang Panginoon naming Dios, kaya ibalik nʼyo na po kami sa sarili naming lupain.

19. Lumayo kami sa inyo noon, pero nagsisisi na po kami ngayon. Nang malaman po namin na nagkasala kami, dinagukan po namin ang aming mga dibdib sa pagsisisi. Nahihiya po kami sa mga ginawa namin noong aming kabataan.”

20. Sumagot ang Panginoon, “Kayong mga mamamayan ng Efraim ay aking minamahal na mga anak. Kahit palagi akong nagsasalita laban sa inyo, nalulugod pa rin ako sa inyo. Nananabik ako at nahahabag sa inyo.

21. “Maglagay kayo ng mga tanda at tulos na magiging gabay sa inyong daan. Tandaan ninyong mabuti ang inyong dinaanan dahil diyan din kayo dadaan pagbalik ninyo.

22. Kailan pa kayo babalik sa akin, mga anak kong naliligaw? Gagawa ako ng bagong bagay sa mundo – ang babae na ang magtatanggol sa lalaki.”

Jeremias 31