24. Maninirahan ang mga tao sa Juda at sa mga bayan nito, pati na ang mga magbubukid at mga pastol ng mga hayop.
25. Sapagkat pagpapahingahin ko ang mga napapagod at bubusugin ko ang mga nanghihina dahil sa gutom. Kaya sasabihin ng mga tao,
26. ‘Sa aking paggising naramdaman kong nakabuti sa akin ang aking pagtulog.’ ”
27. Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na pararamihin ko ang mga mamamayan ng Israel at Juda, pati ang mga hayop nila.
28. Noong una ay winasak, giniba, at ibinuwal ko sila pero sa bandang huli, muli ko silang ibabangon at itatayo.
29. Sa panahong iyoʼy hindi na sasabihin ng mga tao, ‘Kumain ng maasim na ubas ang mga magulang at ang asim ay nalasahan ng mga anak.’
30. Sa halip, kung sino ang kumain ng maasim na ubas, siya lang ang makakalasa ng asim nito. Ang taong nagkasala lang ang siyang mamamatay.”
31. Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong kasunduan sa mga taga-Israel at taga-Juda.
32. At hindi ito katulad ng unang kasunduan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno noong pinatnubayan ko sila sa paglabas sa Egipto. Kahit na akoʼy parang asawa nila, hindi nila tinupad ang una naming kasunduan.”
33. Sinabi pa ng Panginoon, “Ito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa mga mamamayan ng Israel pagdating ng araw na iyon: Itatanim ko sa isipan nila ang utos ko, at isusulat ko ito sa mga puso nila.
34. Hindi na nila kailangan pang turuan ang mga kababayan o kapatid nila na kilalanin ang Panginoon. Sapagkat kikilalanin nila akong lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila. Sapagkat patatawarin ko ang kasamaan nila at lilimutin ko na ang mga kasalanan nila.”
35. Sinabi pa ng Panginoon, “Ako ang nag-utos sa para magbigay-liwanag sa maghapon, at sa buwan at mga bituin na magbigay-liwanag sa magdamag. At ako ang kumakalawkaw ng dagat hanggang sa umugong ang mga alon. Makapangyarihang Panginoon ang pangalan ko.