12. Pupunta sila sa Bundok ng Zion at sisigaw dahil sa kagalakan. Magsasaya sila dahil sa mga pagpapala ko sa kanila. Magiging sagana ang mga trigo, ang bagong katas ng ubas, langis at mga hayop nila. Matutulad sila sa halamanang palaging dinidiligan at hindi na sila muling magdadalamhati.
13. Kung magkagayon, ang kanilang mga dalagaʼt binata pati ang matatanda ay sasayaw sa tuwa. Papalitan ko ng kagalakan ang pag-iiyakan nila. At sa halip na magdalamhati sila, bibigyan ko sila ng kaaliwan.
14. Bibigyan ko ng maraming handog ang mga pari. Bubusugin ko ng masaganang pagpapala ang mga mamamayan ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
15. Sinabi pa ng Panginoon, “May narinig na malakas iyakan at panaghoy sa Rama. Iniiyakan ni Raquel ang pagkamatay ng kanyang mga anak, at ayaw niyang magpaaliw dahil patay na ang mga ito.”
16. Pero sinabi ng Panginoon, “Huwag ka nang umiyak dahil gagantimpalaan kita sa mga ginawa mo. Babalik ang mga anak mo galing sa lupain ng mga kaaway.
17. Kaya may pag-asa ka sa hinaharap. Sapagkat talagang babalik ang mga anak mo sa sarili nilang lupain.”
18. Narinig ko ang panaghoy ng mga taga-Efraim. Sinabi nila, “Panginoon, kami po ay parang mga guya na hindi pa sanay sa pamatok, pero tinuruan nʼyo po kaming sumunod sa inyo. Kayo ang Panginoon naming Dios, kaya ibalik nʼyo na po kami sa sarili naming lupain.
19. Lumayo kami sa inyo noon, pero nagsisisi na po kami ngayon. Nang malaman po namin na nagkasala kami, dinagukan po namin ang aming mga dibdib sa pagsisisi. Nahihiya po kami sa mga ginawa namin noong aming kabataan.”
20. Sumagot ang Panginoon, “Kayong mga mamamayan ng Efraim ay aking minamahal na mga anak. Kahit palagi akong nagsasalita laban sa inyo, nalulugod pa rin ako sa inyo. Nananabik ako at nahahabag sa inyo.