1. Sinabi pa ng Panginoon, “Sa araw na iyon, akoʼy magiging Dios ng buong Israel at magiging hinirang ko sila.
2. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing aalagaan ko ang mga natitirang buhay sa kanila habang naglalakbay sila sa ilang. Magbabalik ako para bigyan ng kapahingahan ang Israel.”
3. Noong una, ang Panginoon ay nagpakita sa mga Israelita at nagsabi, “Inibig ko kayo ng walang hanggang pag-ibig. Sa kagandahang-loob ko, pinalapit ko kayo sa akin.
4. Muli ko kayong itatayo, kayong mga taga-Israel, na katulad ng isang birhen. Muli kayong sasayaw sa tuwa na tumutugtog ng inyong tamburin.
5. Muli kayong magtatanim ng ubas sa mga burol ng Samaria at pakikinabangan nʼyo ang mga bunga nito.
6. Darating ang araw na ang mga nagbabantay ng lungsod ay sisigaw doon sa kabundukan ng Efraim, ‘Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem para sumamba sa Panginoon na ating Dios.’ ”
7. Sinabi ng Panginoon, “Umawit kayo at humiyaw para sa Israel, ang bansang pinakadakila sa lahat ng bansa. Magpuri kayo at sumigaw, ‘O Panginoon, iligtas mo ang mga mamamayan mo, ang mga natitirang buhay sa mga taga-Israel.’
8. Makinig kayo! Ako ang kukuha sa kanila at titipunin ko sila mula sa hilaga at sa alin mang bahagi ng mundo. Pati ang mga bulag at mga lumpo ay kasama, ganoon din ang mga buntis at ang mga malapit nang manganak. Napakalaking grupo ang uuwi.
9. Mag-iiyakan sila sa tuwa at mananalangin habang dinadala ko sila pauwi. Dadalhin ko sila sa mga bukal, dadaan sila sa magandang daan at hindi sila matitisod. Sapagkat ako ang ama ng Israel; at si Efraim ang panganay kong anak.
10. “Mga bansa, pakinggan nʼyo ang mensahe ko, at ibalita nʼyo ito sa malalayong lugar: ‘Pinangalat ko ang mga taga-Israel, pero muli ko silang titipunin at aalagaan ko sila katulad ng pag-aalaga ng pastol sa mga tupa niya.’