Jeremias 30:1-2-15 Ang Salita ng Dios (ASND)

1-2. Sinabi ng Panginoon kay Jeremias, “Ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagsasabing, isulat mo sa aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo.

3. Sapagkat darating ang araw na ibabalik kong muli ang mga mamamayan kong taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkabihag. Ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila na magiging pag-aari nila.”

6. May itatanong ako sa inyo. Maaari bang manganak ang lalaki? Bakit nakikita ko ang mga lalaking namumutla at hawak-hawak ang tiyan na parang babaeng manganganak na?

7. Lubhang nakakatakot kapag dumating na ang araw na iyon, at wala itong katulad. Panahon iyon ng paghihirap ng mga lahi ni Jacob, pero maliligtas sila sa bandang huli sa kalagayang iyon.

8. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabing sa panahong iyon, hindi na sila aalipinin ng mga taga-ibang bansa. Babaliin ko na ang pamatok sa mga leeg nila at tatanggalin ko na ang mga kadena nila.

9. Maglilingkod na sila sa akin, ang Panginoon nilang Dios, at hihirang ako ng hari nila mula sa angkan ni David.

10. “Kaya huwag kayong matatakot, o manlulupaypay man, kayong mga lahi ni Jacob na lingkod ko. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing kukunin ko kayo mula riyan sa malayong lugar kung saan kayo binihag. Sa pagbabalik ninyo, mamumuhay na kayo nang payapa, tahimik, at walang kinatatakutan.

11. Kasama ninyo ako at ililigtas ko kayo. Lubusan kong wawasakin ang mga bansang pinangalatan ko sa inyo pero hindi ko ito gagawin sa inyo. Ngunit hindi rin ito nangangahulugang hindi ko kayo parurusahan. Didisiplinahin ko kayo nang nararapat.”

12-13. Sinabi pa ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan, “Talagang malubha na ang inyong mga sugat at hindi na ito gagaling. Wala nang makakatulong o makakagamot sa inyo. Wala na ring gamot para sa inyo.

14. Nakalimutan na kayo ng mga kakampi ninyong bansa; hindi na nila kayo pinapansin. Sinalakay ko kayo gaya ng pagsalakay ng kaaway. Matindi ang parusa ko sa inyo dahil malaki at marami ang kasalanan ninyo.

15. Huwag kayong dadaing na hindi na gumagaling ang sugat ninyo. Pinarusahan ko kayo dahil napakatindi at napakarami ng inyong kasalanan.

Jeremias 30