14. Nakalimutan na kayo ng mga kakampi ninyong bansa; hindi na nila kayo pinapansin. Sinalakay ko kayo gaya ng pagsalakay ng kaaway. Matindi ang parusa ko sa inyo dahil malaki at marami ang kasalanan ninyo.
15. Huwag kayong dadaing na hindi na gumagaling ang sugat ninyo. Pinarusahan ko kayo dahil napakatindi at napakarami ng inyong kasalanan.
16. “Pero ipapahamak ko rin ang lahat ng magpapahamak sa inyo, at ang lahat ng kaaway nʼyo ay bibihagin. Sasalakayin din ang lahat ng sumalakay at sumamsam ng mga ari-arian nʼyo, at sasamsamin din ang mga ari-arian nila.
17. Ngunit gagamutin at pagagalingin ko ang mga sugat nʼyo kahit na sinasabi ng iba na kayong mga taga-Jerusalem ay itinakwil at pinabayaan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
18. Sinabi pa ng Panginoon, “Muli kong ibabalik ang kayamanan ng mga lungsod ng lahi ni Jacob at kahahabagan ko sila. Ang lungsod at ang palasyo na winasak ay muling itatayo sa dating kinatatayuan nito.
19. Pagkatapos, aawit sila ng pasasalamat at sisigaw sa kagalakan. Pararamihin at pararangalan ko sila.
20. Magiging maunlad ang kanilang mga anak katulad noong una. Patatatagin ko sila sa harap ko, at paparusahan ko ang sinumang mang-aapi sa kanila.
21. Ang mga pinuno nilaʼy magmumula rin sa kanila. Palalapitin ko siya sa akin, at siya naman ay lalapit. Sapagkat walang sinumang taong mangangahas na lumapit sa akin kung hindi ko siya palalapitin. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing,
22. magiging mamamayan ko sila at akoʼy magiging Dios nila.
23. Makinig kayo! Ang galit koʼy parang bagyo o ipu-ipong hahampas sa ulo ng masasamang tao.
24. Hindi mawawala ang poot ko hanggaʼt hindi ko nagagawa ang nais kong gawin. At sa mga huling araw, mauunawaan nʼyo ito.”